Fly by night?
WALANG patid ang sakuna sa biyaheng himpapawid sa Pilipinas. Sariwa pa ang malagim na paalala ng bumagsak na Presidential Bell helicopter sa Benguet ay heto na naman ang isang commercial flight ng Air Macau na nawala ang isa sa dalawang makina habang papalapit sa NAIA. Salamat na lamang at walang nasaktan. Hindi pa rin mahanap hanggang ngayon ang Chemtrad plane na may pitong pasahero na nawala matapos mag-take off sa Tuguegarao. Bago ito ay may insidente ang Cebu Pacific sa Tacloban ng bird strike o ibong pumasok sa jet engine at isa namang take-off na naunsyame dahil sa sirang runway sa NAIA.
Kabilang ang mga ito sa dahilan kung bakit ibinaba ng US Federal Aviation Administration (USFAA) ang rating ng Pilipinas sa Category 2 (kahanay ng Bangladesh, Ghana, Ivory Coast, at Indonesia). Ibig sabihi’y mas hihigpitan ng Amerika ang regulasyon ng mga Philippine Air Carriers (PAL lang naman ang bumibiyahe sa States) at nag-issue pa ito ng advisory sa mga mamamayan ng Amerika na gumamit na lang ng ibang airline imbes na yung galing Pinas.
Nilinaw ng PAL na ang downgrading ay hindi repleksyon sa PAL kung di paghusga na USFAA sa kung gaano kaepektibo ang aviation policies ng pamahalaan ng Pilipinas. Kung hindi ito agarang remedyohan ng pamahalaan, ang atin ding mga kababayang nakikinabang sa PAL at iba pa sanang local carriers ang mapeperwisyo. Napapanahon nang pirmahan ng Malacañang ang naipasa nang Civil Aviation Authority bill upang agarang maipatupad ang modernisasyon ng ating sistema (lalo na ang navigation equipment at communications) at mabigyan ng karagdagang pondo ang pangangailangan sa security at sa aircraft and airport maintenance.
Testigo ang inyong lingkod sa husay ng ating mga piloto (walang tatalo sa lamig ng take-off at landing) at sa bait ng ating mga flight crew. Ang lahat ng major airline at airport sa mundo ay may maipagmamalaking Pilipino sa kanilang personnel. Hindi “FLY BY NIGHT” ang Philippine Air Travel Industry. Hindi dapat tipirin ang pagsaayos ng ating air travel sector at isa itong napakalaking bahagi upang ang bansa, lalo na ang ating mga OFW at ang industriya ng turismo, ay maaring makipagsabayan sa asenso ng ating mga karehiyon.
- Latest
- Trending