Number one!
ANG ganda naman ng kuwento ng pinaka-bagong abogado ngayon, na siya rin ang nag-top sa Bar exams na ginanap noong Setyembre ng nakaraang taon. Mahirap ang Bar exams, pinaka mahirap sa lahat ng eksaminasyon na binibigay ng PRC. May mga kumukuha nito na tatlo o apat na beses nang kinukuha bago makapasa. At mababa ang porsiyento na pumapasa nito sa dami nang kumukuha. Higit anim na libo ang kumuha ng Bar exams, at higit isang libo at tatlongdaan lamang ang nakapasa.
Hindi rin pangkaraniwan ang kuwento ni Judy Lardizabal, na siyang nag-top ng BAR. Unang beses sa kasaysayan ng San Sebastian College of Law na galing sa kanila ang nag-top ng Bar. Karaniwan ay galing sa Ateneo, UP, San Beda. Pero ngayon, iba na ang nangyari. At hindi rin pangkaraniwang estudyante si Judy. Siya’y nagtatrabaho tuwing umaga, at pagkatapos ng trabaho ay magtutungo sa San Sebastian para mag-aral ng abogasya sa gabi. Kung paano pa nakakapahinga ito ay hindi ko na alam!
Dito mo makikita na hindi mahalaga kung saan ka nag-aral. Ang mahalaga ay kung gaano ka kasipag mag-aral. Maganda na ang kinabukasan ni Judy, na makakatulong na rin sa mga magulang niya na hindi rin naman mayayaman. Nagsikap sa trabaho para mapag-aral ang kanilang anak. Naniniwala ako na kung magiging seryoso lamang sa pag-aaral ang isang tao, maganda ang kinabukasang naghihintay para dito.
Sa panahon ngayon, mas hinahanap pa rin ang may mataas na pinag-aralan. Kung mataas ang grado, mabuti, pero hindi naman kinakailangan para makakuha ng magandang trabaho. Ang mahalaga, makapagtapos. Madalas ko rin kasing naririnig na hindi naman kailangang tapos sa pag-aaral, basta maabilidad. Maaaring totoo iyon, pero mas nakakalamang pa rin ang nakapagtapos. Kung nakapagtapos at maabilidad din, eh di lalong mas ma ganda!
Sana ay magsilbing halimbawa si Judy Lardizabal sa kabataan ngayon. Karamihan kasi ay halos binabalewala ang pag-aaral, dahil may mga mayayamang magulang naman na sasalo sa kanila. Walang kasiguraduhan ang buhay. Hindi mo alam kung kailan mawawala na lang sa iyo ang lahat, at kailangang magtrabaho ka na para lang makaraos sa pang-araw-araw. Mas makasisiguro ka kapag ikaw mismo ang humahawak at nagdadala ng iyong kinabukasan, kaysa nakasalalay sa iba. At makukuha mo iyan sa isang magandang edukasyon. Congratulations, Judy Lardizabal!
- Latest
- Trending