WALANG pinagkaiba ang nagaganap na drag racing sa Metro Cebu at Metro Manila dahil iisa ang asal ng mga kabataang kareristang Manileño man o Cebuano.
Walang respeto ang mga putok sa buhong kabataan karerista’t miron sa pag-angkin sa mga kalsada’t lansangan.
Ang masakit pa rito, wala nga bang magawa o tala-gang walang ginagawa ang mga highway patrol at police mobile sa probinsiyang ito.
Ginawa na lamang silang katatawanan ng mga kareristang kabataan dahil kung habulan naman raw ang pag-uusapan, “no - match” sa kanila ang mga mobil ng mga pulis sa uri ng kanilang mga kabayo (motor o anumang sasakyang pangkarera).
Matagal na ring pinuproblema ng siyudad ng Mandaue sa Cebu ang iligal na aktibidades na drag racing at matagal na rin itong naireklamo sa BITAG ng mga motoristang napapadaan sa may bahagi ng kanilang reclamation area.
Alam naman ito ng mga “inutil” na pulis sa Traffic Management sa Cebu subalit hindi matigil-tigil. Kabisado na kasi ng mga kabataang ito ang mga kilos at galaw ng mga les-pu.
Nasa Cebu ang grupo ng BITAG kamakailan upang trabahuin sana at mahulog sa aming patibong ang mga kareristang kabataan.
Dokumentado at huling-huli sa aming camera ang pinaggagagawa ng mga kabataang karerista. Ang reclamation area ay inangkin na ng mga turistang kabataan bilang kanilang teritoryo pagsapit ng ala-una ng madaling araw
Subalit laking gulat ng BITAG, naitimbre sa mga kabataang ito ang nakahandang patibong sa kanila kung kaya’t nagpulasan sabay-sabay, hindi pa man dumadating ang mga katrabaho sana naming mga pulis.
Ayon sa intel mismo ng pulis, may “hudas” daw sa kanila at kung sinu-sino ang pinagtuturong civilian staff kuno na nagtatrabaho sa kanilang headquarters ang nagtraydor sa aming naka handang operasyon.
Hindi dito natatapos ang BITAG ngayong alam na naming ang kalakaran ng mga inutil na les-pu ng Man daue. Hindi kami titigil, babalik kami at mumukhaan pa ng BITAG ang sinasabing “hudas” sa operasyong ito.