KASO ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ng CityTrust Banking Corporation (CBC). Sa ilalim ng dating batas ng Bangko Sentral, kailangan na may deposito ang CBC na nakalagak sa BSP. Ibinigay ng CBC ang listahan, pangalan at sample ng pirma ng limang opisyales na kinatawan nito gayunding ang listahan, pangalan at sample na pirma ng kanilang “roving tellers”. Sila lamang ang maaaring makipagtransaksiyon para sa CBC.
Isa sa mga roving teller ng CBC ay si Randy Torres na binigyan ng kaukulang ID at sa loob ng limang taon ay nakipagtransaksiyon sa BSP. Noong Hulyo 15, 1977, dalawang tseke ng CBC ang dinala ni Randy sa BSP upang papalitan ng cash, isa sa halagang P850,000.00 at isa sa halagang P900,000.00. Ang mga tseke ay pirmado ng mga awtorisadong opisyales ng CBC. Ang tumanggap naman ng tseke sa BSP ay isang senior teller, si Lucy Cruz. Matapos siguraduhin ang mga pirma sa tseke, hinanda na ni Lucy ang pera. Pinirmahan niya ang transfer slip na magsisilbing patunay na siya ang nag-asikaso sa transaksiyon at tinanggap ng taga CBC ang pera. Sa pagtiti-wala dahil limang taon na niyang katransaksyon si Ran-dy, hindi niya napansin na pinirma ang pangalang “Rolly Cortez” sa halip na kanyang pangalan.
Pagkatapos, dinala na ang dalawang tseke sa Cash Department ng BSP kung saan pinag-aralan ang mga pumirma ng tseke para sa CBC. Nang masigurong tunay ang pirma sa mga tseke, pinalitan na ang mga ito ng kaukulang halaga na umabot sa P1,750,000.
Lumalabas na kanselado na pala ang dalawang tseke dahil ninakaw ang mga ito mula sa CBC. At nung papalitan ni Randy ang mga tseke siya ay naka “leave” sa trabaho nguni’t na isyuhan pa rin ng ID. Inabot ng isa’t kalahating taon ang CBC bago nito hiningi sa BSP na ibalik ang naturang halaga.
Nang hindi sumunod ang BSP, dinemanda ito ng CBC upang mabawi ang pera at humingi ng danyos. Nagpabaya raw ang BSP dahil hinayaan nito na makuha ng isang “Rolly Cortez” ang pera kahit hindi naman ito awtorisado ng CBC.
Ayon naman sa BSP, kasalanan ng CBC kung bakit nanakawan ito ng mga tseke. Hindi rin agad ipinaalam ng CBC sa BSP ang nangyari kaya hindi nakansela agad ang transak- siyon, hinayaan lang din ng CBC na makakuha si Randy ng ID kahit naka-“leave” ito at hindi rin ipinaalam ng CBC sa BSP na lumiban si Randy nang araw na papalitan nito ang mga tseke. Ayon din sa BSP, bago sisihin ng CBC ang teller nila, ito muna ang dapat sisihin dahil sa kapabayaan nito kaya nakuha ang pera. Tama ba ang BSP?
MALI. Ang tiwala na hinihingi sa mga banko ay higit pa sa dapat asahan sa isang mabuting ama ng pamilya. Dapat na lagi silang maingat sa mga transaksiyones na kanilang ginagawa lalo at pinagkakatiwalaan sila ng kanilang kausap.
Napakababaw na dahilan na hindi na inalam ng teller ng BSP ang pirma ni Randy dahil daw sa tagal ng taon na magkatransaksiyon sila. Hindi ito sapat na dahilan para hindi na niya tingnan o sipatin man lang ang pirma na ginamit ni Randy. Kung tiningnan man lang niya sana ito, hindi makukuha ni Randy ang pera mula sa BSP.
Alinsunod sa ating batas (Art. 2179 Civil Code), nabawasan lamang ang kasala-nan ng BSP dahil sa pagkukulang ng CBC na pag-aralan ang account nito, ipaalam agad sa BSP ang nangyaring nakawan at ipakansela agad ang tseke. Mababawasan ang danyos na dapat bayaran ng BSP dahil sa nagpabaya rin ang CBC ngunit hindi ganap na mawawala. Dapat nilang paghatian ang nanakaw/nawala 60% porsiyento sa BSP at 40% sa CBC. (Central Bank vs. CityTrust Banking Corp., G.R. 141835, February 4, 2009).