EDITORYAL - Maraming ga-graduate, maraming tatambay
PANAHON ng graduation sa kolehiyo. Libu-libo ang magtatapos ng kung anu-anong kurso sa maraming bahagi ng bansa. Sa oras ng graduation ay maraming magulang ang masaya at nakangiti, siyempre naman dahil pagkalipas ng apat o limang taong pagtataguyod sa anak ay natapos din ito sa kurso. Naigapang kahit nagkautang-utang. Ang mahalaga ay makapag-aral, makapagtapos at makapagtra…..ops! Teka muna. Wala pa kasing mapapasukang trabaho. Marami ang nagsisipag-sarang kompanya dahil hindi na nakayanan ang global financial crisis.
Kaya ang nag-graduate na si anak ay tambay muna. Si inay at itay pa rin ang maghahanapbuhay para kumain. Walang magagawa sapagkat pandaigdigan ang nararanasang krisis sa ekonomiya. Kung kailan matatapos ang financial crisis ay walang nakaaalam. Bahagya nang umangat ang ekonomiya na sinasabing mas matindi pa sa nangyaring Asian financial crisis noong 1996.
Ilang kompanya na ang nagsipag-sara at sabi, madaragdagan pa. Ang Intel, na isang matatag na kompanya ay magsasara na rin umano. Noong nakaraang buwan, itinigil na ng FedEx ang kanilang operasyon dito sa Pilipinas dahil sa pagkalugi. Hindi na kaya ang malaking gastos sa operasyon.
Ang nakapangangamba ay ang maraming tatambay ngayon. Dadagdag sila sa dati nang mga nakatambay. Ayon sa Department of Labor mas marami ang nag-graduates kaysa sa bakanteng trabaho. Hindi match ang dami ng nagtapos kaysa sa trabaho.
Halimbawa na lamang dito ay ang bilang ng mga nakapasang nurses na mas maraming di-hamak sa papasukang ospital. Ayon sa DOLE, 5,000 public nurses lamang ang kailangan ng mga ospital sa kasalukuyan pero ang nag-apply ay 11,000. Kalahati ang dami. At ma-iimagine kung saan pupulutin ang hindi matatanggap sa ospital. Tiyak na magiging palamunin sila ng mga magulang.
Hindi pa nabubura sa isipan nang mamamayan ang mga pinangako ni President Gloria Arroyo, na milyong trabaho ang kanyang lilikhain bago ang 2010. Pero nakikita na ang pangakong ito ay hindi nagkaroon ng katuparan sapagkat maraming gra-duate ang tambay at walang mapasukan. Nasan na ang million jobs?
- Latest
- Trending