'Non-performing'Cabinet member ni GMA nangangampanya na
NAPAKAAGANG mamulitika ng isang “non-performing” miyembro ng Gabinete ni President Arroyo. Ang naturang opisyal na dating general, ay hinaharana na ang mga residente ng isang maunlad na lungsod sa bandang timog ng Kamaynilaan at kumakanta na sa mga taong dumadalo sa adelantadong caucus niya. Ito kaya ang dahilan kung bakit ang traydor na opisyal ay nakakalimutan nang suriin ang nangyayari sa sector na kanyang dapat na bantayan?
Kilala ang opisyal na ito sa katigasan ng ulo at sa kanyang regular na press conferences na nagiging pagkakataon sa kanya na mag-abogado sa mga abusadong dambuhalang kompanya ng langis. Hindi mapapasubalian ang sumbong ng mga nakakarinig sa kanyang walang kakuwenta-kuwentang talumpati. Napakaagang mangampanya ng damuho gayong kabi-kabila ang tinatanggap na banat ng kanyang departamento mula sa mga ordinaryong mamamayan.
Mahigit isang taon pa ang eleksiyon ay tira agad ang inaatupag ng dyaske, palaging nakadamit showbiz at nagpapa-facial pa para higit siyang maging guwapo gayong kinamumuhian siya mismo sa kanyang kagawaran. Malaki rin pala ang butas na ozone layer ng kukote ng mamang ito. Akala yata niya ay nadadaan sa pakanta-kanta ang mga botante.
Matatandaan na ang miyembro ng Gabinete na ito ay ilang beses na ring nasabon ng kanyang boss sa harap ng camera dahil hindi pala ito nakakaintindi kung paano nagtataasan ang presyo ng bilihin. Ang problema sa taong ito ay napakalaki ng imahen niya sa kanyang sarili at ang akala pala nito ay kilala siya ng mga mamamayan ng lungsod bilang isang dakilang tao na malaki ang naiambag sa pagsipa sa kanyang dating amo.
Marami na sa dumadalo sa kanyang caucus ang nagsasabing kahit gaano kasipag ang mamang ito ay tiyak na sa basurahan ng kasaysayan pa rin ang kanyang kababagsakan. Hindi lamang daw mga kasapi ng Senado at House of Representatives ang namumuhi sa kanya kundi pati na rin ang kanyang mga dating tauhan na patuloy na ginagamit niya bilang kasangkapan sa kanyang ambisyong pulitikal. Ang taong ito ay kinamumuhian nang maraming elemento ng lipunan dahil kasama raw ito sa pagkawala ng bilyun-bilyong salapi sa kaban ng isang departamentong kanyang pinamunuan.
Para sa mga taga lungsod na ito, gusto n’yo bang pagtiwalaan ng inyong boto ang taong ito?
Marahil ay atat na atat ang taong ito dahil ang nasabing lungsod ang magiging susunod na “financial at tourism district” ng Maynila dahil sa mabilis na paglipat dito ng mga dambuhalang kompanya, embassies at hotel at restaurants. Nakaamba na rin lumipat sa lungsod na ito ang tanggapan ng Philippine Stock Exchange.
Sa mga bihasa naman sa musika, sintunado pa rin ang mokong kahit na sina Placido Domingo at Jose Carreras pa ang magturo sa kanya. Abangan.
- Latest
- Trending