(Huling Bahagi)
Ang istorya ni Darlene Julao Malelang na pinatay ’di umano ng kanyang asawa na si Don Derick Malelang ay naitampok ko nung Miyekules dito sa akong column.
Ngayong araw samahan ninyo kaming talakayin at alamin ang buong kwento sa likod ng pagkamatay ni Darlene mula sa mga taong nakipaglaban upang makamit niya ang katarungan.
Dinala si Darlene sa ospital at namatay din matapos ang ilang araw dahil umano sa ‘Pneumonia’ ngunit hindi naniwala ang pamilya ni Darlene na yun ang dahilan at sinasabi nila na si Derick umano ang may kasalanan ng pagkamatay ni Darlene dahil madalas niya umano itong saktan.
Ayon naman sa salaysay ni Marit Julao (nanay ni Darlene) na nung April 24, 2007, bandang alas onse ng umaga ay tinext siya ni Derick at pinapunta siya sa bahay nila ni Darlene at sinabi ni Derick na hindi na raw niya alam ang nangyayari sa kanyang asawa.
Agad na pumunta si Marit. Pagdating niya ay nakita niya ang tatlong taong gulang na panganay na anak nila Darlene. Sinabi umano nito na ‘Mama buti dumating ka dito. Takot ako pumasok sa kwarto nila Mommy at Daddy. Nag-aaway sila at iyak ng iyak si Mommy’.
Pagpasok umano ni Marit sa kwarto nila Darlene ay nakita niyang nakabulagta umano sa kama si Darlene na pulang-pula ang mukha, magang- maga ang baba, may sugat sa magkabilang leeg na para umanong sinakal, may mga pasa sa magkabilang braso, may sugat sa dalawang kamay at may sugat sa paa.
Sinabi umano ni Derick na ala sais pa ng umaga nang nakita niyang walang malay si Darlene pero pinabayaan lang niya ito dahil wala raw bantay sa mga anak nila.
Mag-isang hinatid ni Marit si Darlene sa Mt. Carmel Hospital sa Lucena at makalipas ng pitong araw ay binawian ito ng buhay dahil sa Pneumonia.
Ayon kay Marit na ang binatilyong nakatira kina Derick na si Marlito at ang panganay na anak ni Darlene ang mga nakakita sa mga pangyayari.
Nung burol ni Darlene nung May 3, 2007 sinabi umano ni Marlito na nung April 23, 2007, hapon hanggang gabi ay kainuman ni Derick ang kanyang mga barkada.
Tinawag ito ni Darlene dahil may sasabihin siya. Maraming beses tinawag at pag-akyat ni Derick pumasok ito sa kanilang kwarto at ni-lock ang pinto at nakarinig na lang umano si Marlito ng kalabugan at ang pag-iyak ni Darlene sa loob ng kwarto.
Sabi pa ni Marit na palaging nagsusumbong si Darlene sa kanya pagsinasaktan siya ni Derick. Noong huling away nila nung April 2007 ay nagpasundo si Darlene. Pinakita umano ni Darlene ang binaling kaliwang hinlalaki niya at pasa sa binti nung nag-away sila ni Derick.
Lumapit sa aming tanggapan ang pamilya ni Darlene dahil duda sila na hindi sakit ang kinamatay ng kanilang anak kundi dahil sa pambubugbog umano ng kanyang asawang si Derick.
December 4, 2007 ng pina-’exhume’ ang katawan ni Darlene sa Boac Catholic Cemetery dahil na rin sa request ng kanyang pamilya sa pangunguna ng Chief ng Medico Legal ng Ragion 4A na si Dr. Antonio Vertido.
Lumalabas sa findings ni Dr. Vertido na ang ‘cause of death’ ni Darlene ay ‘Epidural Hemorrhage’ o merong mga namuong dugo sa likod ng ulo ni Darlene.
Nagalit si Derick sa pag-exhume kay Darlene at sinisisi sila dahil kaya raw namatay si Darlene dahil nabinat raw ito dahil binilihan nila Marit ng ‘scooter’.
Ayon kay Marit na nagsasabi rin ang tatlong taong gulang na anak ni Darlene sa kanya na ang Daddy niya ang may gawa ng pagkamatay ni Darlene dahil inaaway raw ito ng kanyang Daddy. Sinasakal, sinasampal sa bibig, sinusuntok sa dibdib at pinoposasan.
Nirefer namin sila Marit kina Chief Angelique Somera at Atty. Olga Angustia ng Violence Against Women and Children Division (VAWCD).
Pinagtiyagaan kausapin ni Atty. Angustia sa Philippine General Hospital (PGH) ang tatlong taong gulang na anak ni Darlene upang makuhaan ng statement gamit ang isang videocamera.
Sabi ni Marit na nanggagalaiti si Derick na makuha ang mga anak niya dahil alam niyang witness ang mga ito sa kasong isinampa sa kanya.
Nagsampa ng kasong Parricide sila Marit laban kay Derick sa Marinduque Prosecutors Office.
December 10, 2008 ng lumabas ang resolution na pinirmahan ni Marinduque Provincial Prosecutor Bimbo A. Mercado at naisampa sa korte ang kasong Parricide.
Kwento ni Marit na isang beses hinarang ni Derick ang isa sa mga kapatid ni Darlene upang magmayabang at sinabing ‘Akala ko ba ipapakulong ako ng mama at papa mo’.
March 2, 2009 ay lumabas ang Warrant of Arrest na pinirmahan ni Judge Manuelito Caballes ng Marinduque RTC-Branch 94.
Nung araw ding iyon bandang alas tres ng hapon sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa pamumuno ni PInsp. Erick Martillano ay naaresto si Derick sa kanyang bahay at ngayon ay nasa kulungan na upang harapin ang kanyang kaso.
Siguro ngayon na nasa likod ka na ng kulungan mababawasan ka na ng yabang mo na hindi ka mapapakulong at pagmamalaki mo dahil pulis ka at alagad ka ng batas. Dapat lang na nasa loob ka ng kulungan at humihimas ng rehas.
“Nung nahuli siya sinabi niya sa akin na matagal na siyang humihingi ng tawad pero ang sabi ko ibalik niya ng buhay si Darlene at papatawarin ko siya. Kung anuman ang nangyayari sa kapalaran niya ngayon ay siya ang may kasalanan nun at walang ibang dapat sisihin.
Mahal siya ng anak ko kaya tinanggap at minahal na rin namin siya pero pinatay niya lang si Darlene. Kahit papaano ay lumuwang ang dibdib namin dahil alam namin na umpisa na ito para makamit namin ang hustisya sa pagkamatay ni Darlene. (Kinalap ni Jona Fong)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.