NAGPAPAKITANG gilas ang Ombudsman. Isang opisyal ng Customs ang kinasuhan ng Ombudsman hinggil sa hindi mapaliwanag na kayamanan ng nasabing opisyal. Halos P60 milyon ang ari-arian nitong taga-Customs, kasama rito ang mga bahay sa mga eksklusibong lugar sa Quezon City, restaurant, hotel at resort sa Samar, at mga sasakyan. Ayon sa Ombudsman, hindi raw tugma ang kanyang sahod sa halaga ng mga pag-aari niya, kaya malamang ay may ibang pinagkukuhanan ng pera para mabili lahat iyon. Wow, ang galing naman ninyo at napansin ninyo iyon! Ang tanong ko, siya lang ba?
Sigurado ako na marami pa sa Customs, DPWH, BIR, DA, DepEd, at kung saan pang ahensiya ng gobyerno ang may mga ganyang empleyado na lantaran naman na hindi nila nabili ang kanilang mga pag-aari mula sa mga sahod nila! Kailangan lang buksan ang mga mata ng mga taga-Ombudsman. Siguro walang kaibigan, kasangga o padrino si Visitacion Difuntorum kaya napag-initan ng Ombudsman. Hindi ko siya pinagtatanggol. Kung tiwali siya, dapat lang parusahan at parusahan nang matindi. Babae pa naman, pero sa ngayon, mga babae ang matitindi sa katiwalian, di ba? Pero gaya nga ng sabi ko, siguradong hindi lang siya ang ganyan.
Napakadaling manghuli ng mga hindi papasa sa mga lifestyle check na iyan! Likas sa Pilipino, lalo na mga nasa gobyerno, ang magyabang ng mga ari-arian nila. Kaya kailangan mo lang tingnan ang mga kagamitan para masabing hindi niya kayang bumili niyan kung base lang sa sahod. Bibilib na lang talaga ako kapag mga 10 silang kinasuhan nang sabay-sabay! Kung paisa-isa lang, hindi pa ako magbibigay puri sa Ombudsman dahil mas marami pang kaso ang hindi pa naaaksyunan, kahit lantaran na ang ebidensiya laban sa mga salarin. Nataon lang na may mga padrino sa administrasyon kaya hindi umuusad.
Maganda naman at may nakikita tayong nahuhuli dahil sa katiwalian. Pero sa dami nang sangkot sa katiwalian at anomalya sa gobyernong ito, hindi mapapansin ang isa lang. Para mo nang pinagyabang na nakapatay ka ng isang langaw, habang libu-libo pa ang lumilipad sa ibabaw ng basurahan. Ngayon kung tinapon mo na lang yung basura nang maayos, mas kapuri-puri iyon dahil mawa wala na rin ang mga langaw.