EDITORYAL - 'Rugby boys' naglipana kailan sila madadakma
NAKAKATAKOT na ang balitang ito. Isang stay-in worker sa Moriones, Tondo ang sinaksak at pinagnakawan ng grupo ng mga kabataang lulong sa pagsinghot ng rugby noong Linggo ng gabi. Ang biktima ay nakilalang si Eric Buenaflor, 29, nagtamo siya ng mga saksak sa katawan at patay na nang idating sa Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital. Bago ang pagnanakaw at pagpatay sa biktima, nakita umano itong nakikipag-inuman sa harap ng bodegang pinagtatrabahuhan. Bago maghatinggabi, nagpaalam ito sa mga kainuman na may bibilhin sa tindahan. Hanggang sa lumipas ang ilang oras at nakarinig ang mga kainuman nito na kalampag sa gate ng bodega at nakita nila ang duguang si Buenaflor na may mga saksak. Nawawala sa biktima ang P1,500 at cell phone. Umano’y ang mga “rugby boys” na naglipana sa Plaza Moriones ang nagnakaw at pumatay kay Buenaflor.
Kapuna-puna na ang mga naglipanang “rugby boys” at tila walang ginagawa ang pamahalaan para madakma ang mga ito at mailagay sa kaayusan. Hindi na pinapansin ng mga pulis kahit lantaran na ang pagsinghot ng rugby. Nasaan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may responsibilidad sa mga batang palaboy na ito.
Sa Maynila, karaniwang makikita ang mga batang addict sa rugby sa kahabaan ng Rizal Avenue. Karamihan ay sa madidilim na bahagi ng poste ng LRT nagtatago. May “rugby boys” sa Blumentritt, pagkalampas ng riles ng tren. Makikita rin ang “rugby boys” sa may Manila City hall malapit sa Lagusnilad. Karaniwang lumalabas pagsapit ng gabi. May mga “rugby boys” din sa malapit sa Metropolitan Theatre at sa Plaza Bonifacio. Sa Quiapo, karaniwan na ring makikita ang mga “rugby boys” na naglipana.
Sa Quezon City, makikita ang “rugby boys” sa ilalim ng tulay sa Cloverleaf area. Naglipana pagsapit ng gabi at ang karamihan sa kanila ay nakaupo pa sa center island habang hawak ang plastic na may rugby.
Ang paglipana ng “rugby boys” sa Metro Manila ay nagpapakita lamang na walang ginagawang hakbang ang DSWD para sila mahuli at mailagay sa dapat kalagyang lugar. Kapag hindi pa kumilos ang DSWD at iba pang ahensiyang may responsibilidad sa mga batang rugby, matitindi pang krimen ang kanilang lilikhain. Hindi dapat ipagwalambahala ng DSWD at pati na rin ng Philippine National Police (PNP) ang problemang ito.
- Latest
- Trending