Mainit na isyu ng harassment sa mga mamamahayag
KAMI ni Presidente Erap at ang aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay naalarma sa mainit na namang usapin tungkol sa harassment ng ilang otoridad laban sa mga mamamahayag.
Ang ganitong mga usapin ang isa sa mga dahilan kaya iniakda ni Jinggoy ang Senate Bill 9: “An Act Promoting the Welfare of and Providing Protection to Journalists” o mas kilala sa tawag na Magna Carta for Journalists.
Kamakailan ay nagkaroon ng insidente ng sapilitang paghatak sa dalawang photojournalist sa Iloilo City at pagpiit at pananakit pa sa isang radio reporter at camera man sa loob mismo ng presinto ng pulisya sa Quezon City.
Ang mga photographer na sina Joe Haresh Tanodra at Ricky Alejo ay nagko-cover ng Dinagyang festival sa Iloilo City noong Enero 25, 2009. Dahil umano masyadong malayo ang lugar na inilaan ng mga otoridad sa kanila para sa pagkuha ng retrato ay lumipat sila pansamantala ng puwesto. Dahil dito, pinagalitan at puwersahan umano silang hinatak ng security officials ng festival sa pangunguna ng isang retired police officer.
Kasunod nito, nagkaroon ng insidente ng pagkulong sa ABS-CBN radio reporter na si Dexter Ganibe at cameraman na si Benedicto Ganelo na inatake pa ng ilang sibilyan sa loob mismo ng Quezon City Police District Station 6 sa Barangay Batasan, Quezon City.
Si Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay noon pa isinusulong ang Magna Carta ng mga mamamahayag.
Aniya, ang hakbanging ito ay maggagarantiya ng kaukulang pagkilala at pagrespeto sa karapatan ng mga mamamahayag hindi lang bilang manggagawa sa kanilang propesyon, kundi bilang mga tulay ng publiko para sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa ating lipunan.
Ilan pa bang insidente ng harassment at maling pagtrato sa mga mamamahayag ang magaganap sa ating bansa bago maisabatas ang Magna Carta for Journalists?
- Latest
- Trending