Ilabas na kasi ang affidavit!
(Part 2)
DALA-DALAWA na umano ang pinipirmahang sinumpaang salaysay ni Cezar Mancao ukol sa diumano’y nalalaman niya sa pagpatay kay Bubby Dacer, isang PR man, at ang driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000. May tinatago kamakailan lang na pinirmahang affidavit. At mayroon pa palang naunang affidavit noong 2007. Tila may iniiwan na namang puwang para sa pagdududa ng publiko sa pinapanindigang ulat ni Calvento ukol sa umano’y nabasa niyang pagdawit ni Mancao kay Senator Ping Lacson bilang mastermind ng pagpatay kina Dacer. Kaya nga ang hamon ni Lacson, “Ilabas na kasi ninyo ang affidavit na yan!” Tanong din ni Calvento, “Bakit pa-inot-inot ang paglabas ng mga detalye?” Bakit nga ba di pa ilabas ang 2009 affidavit?
Naiintindihan ko ang magkabilang panig sa mga kata-yuan nila. Nangangamba ang pamilya ni Mancao na dahil magsasabi na siya ng lahat ng nalalaman niya ukol sa kasong ito, ay nasa peligro na ang buhay niya. Hindi na nga nilabanan ni Mancao ang pagbabalik sa kanya sa Pilipinas. Ang gusto lang daw ng dating tauhan ni Lacson sa PAOCTF ay “magsabi ng katotohanan”, at makabalik din sa Amerika kung saan naroroon ang kanyang pamilya at ang kanyang buhay. Ang mahirap lang dito ay magpapilit si Mancao na magsinungaling — at magdawit ng pangalang hindi niya mapapatunayan — dahil sa pagdidiin ng Malacañang. Mahirap nga naman mangyari iyon kung maging ala-Ninoy Aquino ang pagbabalik niya na mapatay agad sa paglabas ng eroplano. O kaya, ala-Jun Lozada naman na dinukot at inikot sa Cavite — pero baka hindi na makabalik. Hindi malayo mangyari dahil sa bigat ng nalalaman niya. Kung wala ngang pakundangan ang mga pumatay kina Dacer at Corbito, paano pa kaya sa taong kakanta na! Makapangyarihang mga tao raw ang idadawit niya sa pagsasabi ng katotoha-nan. Dapat kasama sina Michael Ray Aquino at Glen Dumlao, pero ang dalawa ay nilalabanan pa ang kanilang sapilitang pagpabalik sa Pilipinas. Madaling isipin na mas matitindi nga ang pagkakasangkot nila sa kaso, kung ganun. O maaaring umiiwas lang sa pang-iipit ng administrasyong Arroyo para sa pulitika. Hindi rin malayo.
Marami na ang namatay na may kinalaman sa kasong ito, at may mga tao pang kailangang hanapin katulad ng driver nung sasakyan kung saan umano nag-usap si Sen. Lacson at Aquino, para lalo pang magbigay ng liwanag. At ano itong sinasabi na dawit din daw si President Erap Estrada sa isa sa mga affidavit ni Mancao? Wala ang pangaln ni Erap sa naunang affidavit. Nasa 2009 affidavit kaya? Wala pa si Cezar Mancao sa bansa, mainit na ang usapin. Ano naman kaya ang magaganap sa pagbabalik niya? (Itutuloy)
- Latest
- Trending