GALING sa St.Peter’s College sa Toril District, Davao, si Rebelyn Pitao noong Biyernes at pauwi na sakay ng isang traysikel nang harangin umano ng mga sandatahang kalalakihan at sapilitang isinakay sa isang puting van. Ayon sa traysikel drayber, naririnig pa niya ang pagsigaw ni Rebelyn na humihingi ng saklolo habang nasa loob ng van. Nang araw ding iyon, natagpuan ang bangkay ni Rebelyn malapit sa isang irigasyon sa bayan ng Carmen, Davao del Norte. Palatandaang pinahirapan siya bago pinatay. May mga bakas ng tali sa leeg. Ang kanyang ari ay mayroong ipinasak na matigas na bagay.
Si Rebelyn, 20, ay anak ni Leoncio Pitao, alyas Commander Parago ng New People’s Army-Pulang Bagani Command. Ayon kay Commander Parago, walang ibang makagagawa ng karumal-dumal na krimeng iyon sa kanyang anak kundi military. Matagal na umano siyang gustong makuha ng military pero bigo ang mga ito kaya ang kanyang anak na guro ang pinagbalingan. Ang lahat daw umano ng kanyang mga anak ay tinutugaygayan ng military noon pa.
Habang nagsasalita umano si Commander Pitao, ay nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Subalit ang pagkamatay daw ng anak ay hindi makapipigil sa kanilang ipinaglalaban. Nakapagbigay pa raw ng inspirasyon ang pagkamatay ng anak para sila magpatuloy sa sinimulan. Darating din daw ang araw na ang pumatay sa kanyang anak ay magbabayad sa kanilang pagkakautang.
Karumal-dumal ang ginawa kay Rebelyn na nagkataon pa sa paggunita ng International Women’s Day. Nilapastangan ang kawawang guro. Kung military ang may kagagawan ng kanyang kamatayan, sobra na itong pagyurak sa dangal ng kababaihan. Walang kalaban-laban ang mahinang guro. Ano ang lakas niya sa mga sandatahang kalalakihan?
Ipinag-utos na ni President Arroyo ang mabilisang paglutas sa pagpatay kay Rebelyn. Isa raw itong matinding paglabag sa karapatang pantao kaya nararapat na mahuli at maparusahan ang mga may kagagawan. Nararapat maisilbi ang hustisya sa kawawang guro.
Sana nga ay mangyari ang mga sinabi ni Mrs. Arroyo. Hindi dapat hayaan na kumalat pa ang mga may kagagawan sa karumal-dumal na krimen. Mawawalan lalo ng tiwala ang taumbayan sa gobyerno kapag ang kasong ito ay ililibing lamang sa limot. Hindi pangkaraniwan ang krimeng ito na ang isang guro ay walang awang pinatay dahil siya ay anak ng isang NPA. Isilbi ang hustisya kay Rebelyn.