EDITORYAL - Mag-people power laban sa mga sakim at kawatan
NOONG 1986, napalayas ang isang pinuno na sumikil sa maraming Pilipino sa loob ng 20 taon. Pero pagka lipas lamang ng ilang taon, heto at hindi lamang pala isang tao ang nagmamalabis at kukurakot sa bansang ito. Kung maraming nagawang kasalanan si Pres. Ferdinand Marcos, mas marami pa palang susunod sa kanya. Mas marami pa pala ang magsasamantala. Kaya hindi kataka-taka na pagkalipas ng 23 taon mula nang mapalayas ang diktador, mas marami pang Pinoy ang malulubog sa kumunoy ng kahirapan. Ang katiwalian sa gobyerno ay lalo pang namayagpag sa kasalukuyan. Lantaran na ang kasakiman ng mga nasa puwesto.
Noong Linggo, sinabi ni President Arroyo sa isang talumpati sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig na hindi na tatanggapin ng mundo ang isa pang EDSA. Kung niyakap daw ng mundo ang EDSA 1 at tinolerate ang EDSA 2, ang EDSA 3 ay hindi na pagbibigyan at sa halip ay isusumpa. Makikita na raw kasi ng mundo ang mabuway at wala nang pag-asang sistema ng gobyerno sa bansang ito. Nagtalumpati ang Presidente bilang pagsisimula ng apat na araw ng selebrasyon ng EDSA 1 revolution.
Mariing sinabi ng Presidente na huwag mabuhay sa apat na araw na rebolusyon sa EDSA kundi matuto rito at ang harapin ay ang mga bagong pagsubok sa kasa lukuyan. Dapat daw maging boldness ang mga Pilipino sa pagharap sa mga problema lalo ngayong may global financial crisis.
Kakatwa ang mga pinahayag ng Presidente na hindi na tatanggapin ng mundo sakali man at magkaroon ng EDSA 3. At mas matindi na sinabing isusumpa raw sa halip na tanggapin. Kakatwa ang pahayag na ito sapag-kat siya ay masasabing bunga ng EDSA 2. Kung hindi nagkaisa ang mga tao sa EDSA noong January 2001 baka hindi napatalsik si President Estrada sa puwesto at wala si Arroyo sa Malacañang.
Sa aming palagay, hindi susumpain ng mundo ang EDSA 3 sakali man at magkaroon nito ngayong panahon. Lalo pa at kung ang ipi-people powere ay ang mga sakim, ganid, matatakaw, corrupt at hayok sa kayamanan ng bayan. Baka nga purihin pa ng mundo ang mga Pilipino sapagkat nagkaisa na mapalayas ang mga nagpapahirap sa bayan. Mali si Mrs. Arroyo sa kanyang mga sinabi na susumpain sakali man at magka-EDSA 3. Mas maganda kung masubukan ito ngayong panahon lalo pa at ang bansa ay sakmal ng corruption. Sakmal ang bansa ng mga corrupt na contractor na na-blacklist ng World Bank, katiwalian sa NBN-ZTE, fertilizer fund scam, railroad project at marami pang iba. Sa aming palagay matatang gap ng mundo ang EDSA 3, kaysa mga corrupt.
- Latest
- Trending