EDITORYAL - Maraming nakikinabang sa hayop na jueteng
PANAHON pa ng mga Kastila ang jueteng. Kinagisnan na nang nakararaming Pilipino kaya naman kahit na anong gawin para maipatigil (kuno) ay hindi maisakatuparan. At isa pa, kaya hindi ito maipatigil ay dahil marami ang nakikinabang. Mula sa itaas pababa ay nagkakamal ng pera na ayon sa gobyerno, pinagsisikapan nilang patayin.
Marami rin ang nagpapanukala na gawin nang legal ang jueteng. Isa na rito si Sen. Jinggoy Estrada. Ang ama ni Jinggoy na si dating President Joseph Estrada ay napatalsik sa puwesto noong 2001 dahil sa jueteng. Ngayon, ang sugal na naging dahilan ng pagbagsak ng ama ay ibig nang gawing legal. Hindi lang si Jinggoy ang nagpanukala ng ganito. Marami na. Siguro, kaya nila nasabi ito ay sapagkat wala na talagang ibang magagawa pa para masawata ang jueteng. Suko na ang marami. Pero maitatanong, tala ga nga bang may ginagawang hakbang ang gobyerno para maitigil ang jueteng? Pursigido ba o kunwari lamang ang lahat?
Maski si Archbishop Oscar Cruz ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng ay suko na rin. Sabi niya noong Huwebes, nagbalik na raw ang jueteng sa maraming lugar sa bansa. Sa Pampanga raw home province ni President Arroyo ay round-the-clock ang operation ng jueteng. Talamak daw sa Luzon at Visayas ang jueteng. Natatalo na raw sila sa laban sa jueteng dahil mas malakas mangusap ang pera. Wala na raw silang magagawa pa.
Nakapagtataka lang ang mga inihayag ni Cruz na nagbalik daw ang jueteng at naging talamak na. Tila walang muwang ang Archbishop sa nangyayaring operasyon ng jueteng. Wala marahil nakapagsasabi kay Cruz na hindi naman tumigil ang operasyon ng jueteng. Laganap ang jueteng sa Quezon, Laguna, Batangas, Mindoro at iba pang probinsiya.
Para sa amin, hindi na mawawala ang jueteng sapagkat maraming opisyal ang nakikinabang mula governor, mayor, vice mayor, police officials, barangay chairman at iba pa. Mula itaas pababa ay nagkakamal ng biyaya sa jueteng. Wala na itong pag-asang maitigil. Ang pag-raid sa juetengan ay pakitang-tao lang.
- Latest
- Trending