Makinarya ni BF binubuo na
DETERMINADO na si MMDA Chair Bayani Fernando sa kanyang presidential bid sa 2010. Talagang nagsisimula nang uminit ang “political fever”. Talakayin natin ito dahil ibig natin makilatis ang mga pumupuntirya sa trono sa Malacañang para makapili tayo ng maayos.
Nagpahayag na umano ng suporta kay BF ang mga bigating politiko sa Ilocos Norte na kung tawagin ay Solid North. Kasama diyan sina Presidential Cabinet Sec. Silvestre Bello III, Isabela Rep. Edwin Uy, Isabela Gov. Grace Padaca, Laoag Mayor Michael Fariñas, Ilocos Norte Gov. Michael Keon, Solsona, Ilocos Norte Mayor Joseph de Lara at Sarrat Mayor Alberto Ballintona. Malinaw na binubuo na ang political machinery para kay BF.
Lumilitaw pa sa nakaraang survey na kapantay na ni BF si Sen. Mar Roxas sa pang-7-8 puwesto sa hanay ng may 15 presidential wannabes. Iyan ay batay sa survey ng Issues and Advocacy Center na kasapi sa World Association for Public Opinion Research (WAPOR).
Sa mga proyekto ni BF sa MMDA, may mga naasar at may mga natuwa. Siyempre galit yung mga nasasagasaan. Halimbawa: Naririyan ang anti-colorum campaign at pagtataboy sa mga iligal na vendor na sagabal sa lansangan. Anang barbero kong si Mang Gustin, paborito niyang proyekto ni BF ang pagpapatayo ng mga murang silid-panuluyan na kung tawagin ay Gwapotel. Naririyan din aniya ang pagtatalaga sa mga lugar na dapat magsakay at magbaba ang mga pampublikong sasakyan. Nandiyan din ang mga elevated u-turn slots, ang mga pedestrian overpasses at mga pink urinals sa daan para sa hindi na makatiis at walang lugar na puwedeng magbawas.
Kontrobersyal ang karamihan sa mga proyekto ni BF dahil hindi puwedeng masiyahan ang lahat. Sa implementasyon ng ano mang proyekto, may nakikinabang at mayroon ding nasasagasaan. Halimbawa, sa clearing ng mga bangketa, ginagawa iyan sa mga taong naglalakad. Pero matutuwa ba naman ang mga vendors na nawalan ng kabuhayan? Pero iyan ang political will. Kung kapakanan ng nakara rami kahit pa may ilang masasaktan ay dapat ipatupad. Sa kaso ni BF, timbangin natin ang pangkalahatang epekto ng kanyang mga programa at iyan ang pagbasehan natin kung karapat-dapat ba siyang pumuntirya sa pinakamatayog na posisyong politikal. Binigyan tayo ng Diyos ng talino para makapag-de sisyon ng tama kaya gamitin natin iyan. Sa susunod nating mga isyu ay pag-usapan natin ang iba pang mga presidential wannabes at kilatisin natin para malaman kung sila’y “worthy of our votes.”
- Latest
- Trending