BALAK buhayin ang hayop na Nuclear Power Plant sa Morong, Bataan. Isang kongresista ang nagsusulong para ipasa ang House Bill 4631 o ang Bataan Nuclear Power Plant Commissioning Act of 2008. Isang bilyong dolyar umano ang inilalaang budget para sa rehabilitasyon ng hayop na nuclear power plant. Ayon sa batas ng pinanunukala ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, napapanahon na para i-rehabilitate ang nuclear power plant para raw hindi na umasa ang bansa sa coal-powered plant.
Patay na pero balak pang buhayin ang hayop na nuclear plant at pakakainin na naman ng perang galing sa buwis ng mamamayan. Sobra na ito. Kung maipapasa ang bill ni Cojuangco, magdurusa na naman ang maraming Pilipino sa pagbabayad ng utang na wala namang kaseguruhan kung mayroong mapapakinabang. Ang Bataan Nuclear Power Plant ay ginawa noong panahon ni dating President Marcos para raw maghatid ng enerhiya o kuryente sa maraming lugar sa bansa. Pero walang napaki nabang sa proyekto. Kahit katiting na kuryente ay walang naihatid bagkus utang katakut-takot ang ipinagkaloob. Noong 2007 lamang nabayaran ng mamamayang Pilipino ang malaking utang na ginastos sa hayop na nuclear plant — $2.3 billion bukod pa ang milyong dollar na interes.
Nananahimik na ang hayop na nuclear plant pero muling gigisingin para magbigay muli ng panibagong problema sa mga Pinoy. Hindi na maganda ang ganitong balak na ang nakararaming Pinoy ang magsasakripisyo para lamang I-rehabilitate ang isang pinatay nang proyekto. Gaano karaming mahihirap na Pinoy ang makikinabang sa $1-bilyon na balak gastusin para lamang buhayin ang hayop? Maraming Pinoy na nagugutom ang mapapakain ng isang bilyong dolyar. Maraming walang bahay na Pinoy ang mabibigyan ng tahanan. Maraming kalsada at mga tulay ang magagawa at mabubuo sa isang bilyong dolyar. Maraming proyektong pangkabuhayan ang malilikha para mabuhay ang mga Pinoy.
Huwag hayaang buhayin ang hayop na nuclear power plant. Tutulan ito. Hindi na kailangang buhayin ang nagbigay na ng katakut-takot na problema sa bansa. Magkaisa para tutulan ang pagbuhay sa hayop.