Neri, huwag mo galawin ang pera namin sa SSS
LUMABAS ang totoo. One-fourth pala ng P50-bilyong economic stimulus ng Arroyo admin ay dudukutin sa hulog natin sa Social Security System. Gagamitin ng Malacañang ang P12.5 bilyong pribadong pera natin para buhayin ang ekonomiyang ginupo ng katiwalian ng gobyerno at ng US financial crisis.
Nanganganib ang P12.5 bilyon nating 27 milyong miyembro at pensiyonado ng SSS. Ipagkakaloob ni SSS president Romy Neri ang pera natin, nanginginig pa, sa Malacañang. Huwag daw tayo mag-alala, kindat niya, kesyo sisiguruhin raw niyang isosoli ng gobyerno ang pondo, at may interes pa. Pero hinehele lang niya tayo. Hindi niya kaya igiit ang pabor na terms para sa pera natin. Batay nga sa lantad na relasyon niya sa amo niya, ibibigay niya ang anomang hingin nito, basta lang panatilihin siyang kunwaring economic czar. E ni hindi nga niya kinunsulta ang SSS board of trustees o staff bago niya ilaan sa Malacañang ng P12.5 bilyon natin. At inamin lang niya ang paglaan na iyon dahil nilantad na ng Oposisyon.
Malaon nang tinimbang si Neri, ngunit kulang. Sa mga pulong sa SSS o mga kumpanyang may shares ang SSS, kapritso ang ipinaiiral. Sa walang-silbi pero mahal na $330-milyong NBN-ZTE deal, siya mismo ang nagbunyag na inalok siya ng P200 milyong suhol para mag-aproba. Signos na ‘yon na may kalokohan sa proyekto. Pero inaprobahan pa rin niya ang kontrata, kesyo makabubuti raw. Siguro binagabag ng konsensiya kaya inatasan ang adviser na “bawasan ang katusohan” ng mga kontratista, Pero nang mapahamak at kidnapin ang adviser para patahimikin, hindi man lang tumulong si Neri. Tumestigo siya sa Senado na ni-report niya sa amo ang tangkang panunuhol, pero tumahimik sa kung ano ang ginawa nito. Hanggang sa Korte Suprema, dumulog siya para huwag paaminin, at miski muntik nang magka-constitutional crisis. At nakakuha siya ng malaswang desisyon na mas mabigat ang paglilihim sa usapang pang-Presidente kaysa pagbubunyag ng krimen.
Mapagtitiwalaan ba natin ang ganyang tao ng P12.5 bilyon natin?
- Latest
- Trending