No Fair Elections Act
NOONG 1992, nang si Manila Vice Mayor Danny Lacuna ay tumakbong Mayor ng Maynila, damang dama ang kanyang paninindigan. Sa pagsampa ng certificate of candidacy, nag-resign si Lacuna sa pagka-Vice Mayor at isinuko lahat ng benepisyo ng kanyang opisina tulad ng sasakyan, tauhan at sahod, para ialok nang buong-buo ang sarili sa mga botante ng Maynila bilang kandidatong Mayor.
Napakaganda ng implikasyon ng ginawang pag-resign na iyon ni Vice. Pinatunayan nito (1) ang kanyang sinseridad: na ibubuhos lahat ng oras at hirap sa kanyang kandidatura; (2) ang kanyang katapatan: Na hindi siya manlalamang sa pag-gamit ng yaman ng opisina ng vice-mayor sa panahon ng kampanya; at (3) ang kanyang isang salita: Pinangatawanan niya na tatapusin ang terminong pinagkatiwala at hindi maghahangad ng ibang posisyon nang hindi binibitiwan ang una.
Hindi ko alam kung ang mga hangarin na ito ang nag-udyok kay Vice-Mayor Lacuna na i-resign ang kanyang puwesto noong 1992. Sa pagkakilala ko sa kanya’y masasabi kong siya’y marangal na tao. Pero ang pamahalaan noon ay may sinusunod na batas – ang Sec. 67 ng Omnibus Election Code (B.P. Blg. 881) na nagsasaad na sinumang halal na opisyal na kumandidato sa posisyong iba sa hinahawakan, maliban sa posisyon ng PANGULO o Pangalawang PANGULO, ay ituturing na nagbitiw sa kanyang dating posisyon sa oras na magsampa na ng certificate of candidacy sa bagong posisyon. Gustuhin man o hindi, kinailangang i-resign ni Lacuna ang kanyang pagka-vice mayor.
Kay gandang batas ng Sec. 67 (akda noon pang panahon ni Pres. Marcos) – isa sa pinakamagandang halimbawa ng “A public office is a public trust.” Hangad nitong siguruhin na tapat ang intensyon ng mga naghahabol sa ibang pwesto. SAYANG at ito’y binasura ng Kongreso nang ipinasa nito sa 2001 ang R.A. 9006, ang Fair Elections Act.
Hindi na mauulit ang kabayanihang ipinamalas noon ng mga katulad ni Vice Mayor Lacuna. Si Sen. Lapid, nang tumakbo noong 2007 sa kalagitnaan ng termino bilang Mayor ng Makati, sa kabila ng pagtalikod sa bansang bumoto sa kanya bilang Senador at kahit pa na-massacre ni Mayor Binay sa halalan, ay masaya pa ring nakabalik sa puwesto.
(Natalo si Vice Mayor Lacuna kay Gen. Alfredo S. Lim sa 1992 Mayoralty contest. Ang humalili kay Lacuna bilang Vice Mayor ng Maynila ay ang No. 1 Councilor na si Ernesto P. Maceda, Jr.)
- Latest
- Trending