Alyas Galman ng MPD, una sa surveillance list ng BITAG!
AYAW ng BITAG na mag-isip ng masama at ayaw din naming maging marumi ang aming isipan subalit iba ang tumatakbong hinala sa amin.
Maaaring sinadyang timbrehan o di kaya naman ay di sinasadyang masunog ng isang pulis ng Manila Police District ang aming operasyon noong Lunes ng gabi.
Isang delikadong operasyon sana ang isasagawa ng BITAG, Mission X, MPD-Criminal Investigation and De-tection Unit (CIDU) at MPD-Theft and Robbery Section sa may Luneta, Maynila, alas-10 ng gabi.
Target namin ay isang grupo ng mga holdaper na isinumbong ng kanilang mga biktima nitong nagdaang Linggo.
Nagkataon namang isang asset namin ang kilala at alam ang kilos at galaw ng grupo na aming pakay at itinimbre sa amin na may panghoholdap daw na gagawin ang mga ito ng gabing ‘yun.
Kaya kasama ang mga operatiba ng MPD sa departamento sa nabanggit, ikinasa ang isasagawang operas-yon laban sa grupo. Naka-standby ng halos isang oras ang BITAG, Mission X at mga operatiba sa kani-kanilang sasakyan. Natanaw na namin ang dalawa sa miyembro ng grupo, naghihintay sa kanilang mga kasamahan.
Ayon kasi sa asset, magkikita-kita raw ang mga ito sa isang fast food chain sa Kalaw, Manila bago sumakay ng isang jeep papuntang Cubao at saka isasagawa ang panghoholdap.
Ang siste, no show ang aming target at itinawag ng aming asset na hindi na raw darating ang grupo. Ang dahilan, nakita raw ng mga ito ang pulis ng MPD na nagngangalang GALMAN na palagi raw namomorsiyento sa kanilang grupo mula sa kanilang panghoholdap.
Kaya kung inaakala nitong balasubas na kolokoy ng MPD na malu lusutan niya ang BITAG, puwes nagkakamali ang gunggong na‘to.
Maaaring sa mga oras na ito, ikinahihiya at isinusuka na siya ng kanyang mga kasamahan sa MPD. Ayon naman sa isang bubwit sa loob ng MPD, isang opisyal umano ang nakabasa ng aking kolum kahapon sa Pilipino Star NGAYON patungkol pa rin kay GALMAN.
Kaya raw natanggal sa dating departamento nito ang hayupak ay dahil sa gawain nitong mag-alaga raw ng holdaper. Kaya ngayon, tatanggalin na rin daw ito ngayon sa kanyang kasalukuyang unit sa istasyon.
O alyas GALMAN, nakarating na rin sa BITAG na pinagbabantaan mo raw ang isa sa aming asset.
Nasa surveillance list na siya ng BITAG.
- Latest
- Trending



















