^

PSN Opinyon

'Palaban si lola'

- Tony Calvento -

ILANG BUHAY PA BA ANG MAKIKITIL…luhang babaha…at dugong dadanak dahil sa pakikibaka sa isang pirasong lupa?

Mula’t sapol naging suliranin na ang laban ng mayaman sa mahirap, kabutihan sa kasamaan sa usaping sino ang totoong nag-mamay-ari ng lupang sinasaka.

Lumapit sa aming tanggapan si Rodelio Mendoza, 36 taong gulang ng Magallanes, Cavite upang idulog ang suliranin ng kanyang inang si Ponciana, 76 taong gulang.

August 1960 nang hikayatin ng mag-asawang Apolinario at Teodora Espineli sina Jacinto at Ponciana Mendoza na tumira at magtanim ng mga puno sa kanilang humigit pitong hektaryang lupain sa Brgy. Talipusngo Maragondon, Cavite.

Nuong panahong iyon magubat at masukal ang nasabing lupain at halos tatlong puno lang ng mangga ang nakatanim duon. Pumayag ang mag-asawa sa alok ng pamilya Espineli na bilang kabayaran sa kanilang paninirahan dito ay ibibigay nila ang 75 na porsyento ng kanilang aanihin o ibubunga ng kanilang mga tanim.

Walang naging kasulatan ang dalawang panig kundi “palabra de honor” lamang ang kanilang naging kasunduan.

Napagyaman nina Jacinto at Ponciana at ng kanilang walong anak ang lupain ng mga Espineli. Sa pagdaan ng maraming taon ay natamnan ng pamilya Mendoza ang lupain ng kape, kaimito, mangga, niyog, santol, kawayan, saging, gabi at palay.

Naging maayos ang samahan ng dalawang pamilya at hindi tinuring ang isa’t isa na magkaiba.

Taong 1983 namatay si Jacinto sa sakit sa baga dahil na rin sa tindi ng hirap ng trabaho sa lupa. Sa kabila nito ay ipinagpatuloy ng mag-iina ang paninirahan at pagsasaka dito.

Hindi nagtagal ay namatay na rin ang mag-asawang Espineli at inilipat na lang ni Ponciana ang kasunduan sa anak ng mga itong si Ester.

Maayos ang pakikitungo sa kanila nito at wala silang reklamo dito. Taong 1985 dumating si Rodolfo Espineli na apo ng namayapang mag-asawang Apolinario at Teodora. Pumunta na ng Amerika ng panahong yun si Ester at ang mag-iinang Mendoza na lang ang natira dito.

“Dumating iyang Rodolfo na yan kasama ang dalawang lalaki na may dalang mga pananim. Pinagtatanim nila ang mga ito sa gitna ng pinaghirapan naming itinanim na palay. Pagkatapos nilang sirain ang mga palay, sinabihan ako ni Rodolfo na umalis na kami dun dahil siya na raw ang bagong may-ari ng lupang yun,” sabi ni Ponciana.

Hindi umalis ang mag-anak at ipinagpatuloy nila ang kanilang nakagawian. Taong 1991 napilitang pumirma si Ponciana sa isang kasunduang ginawa ni Rodolfo na nagsasabing pumapayag silang maging trabahador ng lang ng lupang yun.

“Maimpluwensyang tao si Rodolfo at sari-sari pong pananakot ang inabot ko at ng aking pamilya sa kamay ng taong yun. Makalipas ang dalawang taon ay nagbago na naman ang isip niya at pinagbabayad kami ng P10,000 bawat ani. Sinunod ko yun at nagbuno makabayad lang sa kanya. Ginawa ko yun sa loob ng dalawang taon,” sabi ni Ponciana.

Dumating ang panahon na hindi na tinatanggap ni Rodolfo ang upa nina Ponciana, maging ang mga pananim nito dahil sa kagustuhan nitong palayasin ang mag-anak sa lupang yun.

Hindi pumayag si Ponciana dahil matagal na silang nagsasaka dun. Hirap ang inabot niya at ng kanyang namayapang asawa sa pag-aayos ng lupang yun.

Taong 1999 nakatanggap si Ponciana ng subpoena mula sa Municipal Trial Court ng Maragondon, Cavite dahil sa kasong Qualified Theft.

“Nagnakaw daw kami ng apat na puno ng niyog at isang puno ng santol. Idinemanda kami ng aking anak na si Arceli at ang asawa nitong si Ruperto Siscar,” ayon kay Ponciana.

Ayon kay Rodolfo ay ginamit ng mag-anak ang mga pinutol na mga puno sa pagpapagawa ng mag-asawang Arceli at Ruperto sa kanilang pinatatayong bahay.

Sinagot agad ng mag-anak ng counter affidavit ang mga paratang ni Rodolfo.

“Yung mga litrato na nakalakip sa affidavit ni Rodolfo ay hindi ko alam kung saan nila pinagkukuha ngunit sigurado akong ang mga punong pinagpuputol na yun ay hindi sa lupang aming pinagtatamnan,” sabi ni Ponciana.

January 15, 2004 papunta na nun sa hearing sa MTC ng Maragondon si Ponciana nang bigla na lang umano siyang hulihin ng mga hindi nakaunipormeng pulis. Kasama rin ng mga ito si Rodolfo at dinala siya sa kulungan ng Naic, Cavite.

“Ikinulong nila ako dun ng isang araw kahit na ako’y ma­tanda na. Hindi ko akalaing sasapitin ko ito sa buong buhay ko sa edad kong 76 na ito,” sabi ni Ponciana.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin matapus-tapos ang kasong kinahaharap ni Ponciana at ng kanyang anak. Patuloy pa rin itong nagpapahirap sa kanilang loob simula pa noong taong 1999.

Nailipat rin ang nasabing kaso sa Naic, Cavite at dahil dito mas lumaki ang kanilang gastusin maayos lamang ang gusot na kanilang inabot dahil sa kagustuhan umano ni Rodolfo na mapalayas sila sa lupang kanya umanong minana.

Sinampahan rin ng kasong Violation of Sec. 4, Republic Act 8048 ng Forestry Code dahil umano sa pagputol ng mag-iina sa mga nasabing puno ng walang paalam sa lokal na gobyerno ng Cavite.

“Kung kami’y papatayin ay wala kaming magagawa! Kasi, kung kami’y aalisin dun, mamamatay rin kami dahil duon kami kumukuha ng aming ikabubuhay,” palaban na sinabi ni Ponciana.

Nakipag-ugnayan kami kay Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco ang Provincial Prosecutor ng Imus, Cavite at pinapunta niya ang mga ito sa kanyang tanggapan upang tingnan kung paano matutu­lungan ang mag-inang Ponciana at Rodelio na mapabilis ang kanilang kasong isang dekada na nilang binubuo. (KINALAP NI CES DERIT)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero ay, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: [email protected]

CAVITE

DAHIL

KAMI

KANILANG

MAG

PONCIANA

RODOLFO

TAONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with