EDITORYAL - Kampanya laban sa air pollution asan na?
NAPAPANSIN n’yo ba ang makapal na usok sa dakong umaga? Hindi yan bunga nang malamig na temperatura na nararanasan ngayon kundi binuga ng mga sasakyan. Usok iyan na may lason. Pansinin na halos hindi makapaglagos ang sikat ng araw dahil sa kapal ng usok. Ang nakalalasong usok ang nalalanghap ng mga nagsisipaglakad at nagsisipag-jogging sa umaga. Kung gaano karami ang usok na kanilang nalanghap, walang makapagsasabi pero ang tiyak, may lason iyon at maaaring magdulot ng sakit sa hinaharap.
Kamakailan, ginawaran ng parangal ang Department of Transportation and Communication (DOTC) dahil umano sa husay nang pakikipaglaban sa corruption. Noon pa raw 2007 ay masigasig na ang DOTC sa pagsugpo sa corruption. Maski ang Land Transportation Office (LTO) ay isa rin sa mga pinarangalan dahil sa paglaban sa corruption. Ang LTO ay nasa ilalim ng pamamahala ng DOTC.
Sabagay, maganda namang marinig na may kampanya laban sa corruption ang DOTC pero ang mas magandang malaman at marinig ng taumbayan ay ang kampanya nila laban sa air pollution.
Ang Metro Manila ay isa sa pinakamaruming siyudad sa Asia. Numero unong nagdudulot ng air pollution ay ang mga pampasaherong bus, dyipni at taxi. Sila ang nagbubuga ng maiitim na usok na nalalanghap ng mga pasahero at residente. Ang mga usok na ito ang nagdudulot ng sakit na karaniwang pinipinsala ang respiratory system. Marami nang isinagawang pag-aaral na ang maitim na usok na ibinubuga ng mga sasakyan lalo na ang mga bumibiyahe sa EDSA ang nagdudulot ng iba’t ibang sakit kapag nalanghap.
Ngayon ay karaniwan na lamang ang makikitang mga bus, dyipni at taxi na yumayaot sa EDSA na nagbubuga ng nakalalasong usok. At walang makitang mga tauhan ng DOTC at LTO para hulihin ang mga sasakyang ito. Mayroong Clean Air Act pero hindi pinatutupad.
May kampanya laban sa corruption ang DOTC at LTO, sana magising pa sila at makita ang grabeng usok na ibinubuga ng mga sasakyan. Sana bago maraming mamatay dahil sa pagkalanghap ng hangin na may lason ay kumilos sila. Hindi n’yo na kailangan pang lumayo, mga taga-DOTC, pansinin lang ang usok kung umaga.
- Latest
- Trending