KATAWA-TAWA ang sinabi diumano ni Executive Secretary Eduardo Ermita na dapat matuto raw si US President Barrack Obama kay Mrs. Gloria Macapagal Arroyo. Sa anong paraan kaya dapat matuto si Obama kay Mrs. Arroyo? Sa pandaraya kaya o sa corruption?
Sa sinabi ni Ermita, parang lumalabas na mas magaling pa si Mrs. Arroyo kay Obama. Sa anong paraan kaya? Sigurado ako na hindi sa aspeto ng legitimacy. Si Obama ay totoong nanalo sa election, ngunit tiniyak niyang mag-oath ng pangalawang beses matapos siyang nagka- mali sa kanyang oath dahil sa kapalpakan ng US Chief Justice. Biruin mo, ang tagal ng preparasyon ngunit pumalpak pa rin siya sa harap ng halos dalawang milyon na tao.
Worried yata ang mga advisers ni Obama na baka magkaroon ng question sa kanyang legitimacy dahil lamang sa nagkamali ang unang oath niya. Si Mrs. Arroyo naman, tama nga ang oath, ngunit mali naman ang kanyang legitimacy dahil marami ang nagduda na nandaya siya.
Katawa-tawa rin ang pinalalabas ni Mrs. Arroyo na hindi raw tatamaan ang economy ng Pilipinas sa global meltdown dahil sa tama raw ang mga foundations na ginawa niya. Katawa-tawa, dahil sa ngayon pa lang, lumabas na ang balita na marami na sa mga kababayan natin ang nawalan ng trabaho. Hindi kaya ito epekto ng meltdown sa kanyang pananaw?
Mahusay lahat ang pinili ni Obama sa kanyang bagong Cabinet. Puro mga beterano sa serbisyo publiko at puro walang mga bahid. Samantala, walang bago sa Cabinet ni Mrs. Arroyo at halata naman na puro recycled ang kanyang mga kalihim. Papaano kaya siya mas gagaling kay Obama sa usapang ito?
Hinaharap ni Obama ang problema ng America sa kawalan ng trabaho. Walang plastic sa kanya. Samantala, hindi natin ramdam ang mga programa niya upang madagdagan ang trabaho. Si Obama daw hit the ground running, si Mrs. Arroyo naman, parang running away from the problems.