EDITORYAL - Suhulan ang tinututukan at hindi ang 'tulakan'
NAKAKATAWA na ang nangyayari sa usaping may kaugnayan sa illegal drugs. Mahigit isang buwan nang pinag-uusapan ang “Alabang Boys” na nahulihan ng mga bawal na gamot. Pero hanggang ngayon, ang “suhulan” pa rin ang lumulutang na pinagtatalunan at hindi ang “pagtutulak ng droga” o ang lawak ng problema sa droga. Kamakalawa, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na walang matibay na ebidensiyang magpapatunay na tumanggap ng suhol ang mga opisyales ng Department of Justice. Wala raw convincing evidence na tumanggap ng suhol ang justice prosecutors para i-drop ang kaso ng mga suspected drug pushers. Wala raw “written or oral evidence” na may suhulan na nagkakahalaga ng P50-milyon. Kasabay sa paglilinis ng NBI sa DOJ officials, sinabi naman nila na nahaharap sa kaso si Major Ferdinand Marcelino ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa obstruction of justice. Hindi raw nakiki-cooperate si Marcelino sa imbestigasyon.
Ang ganitong senaryo na naglalaban-laban ang mga dapat ay lumupig sa mga nagpapakalat ng bawal na droga ay isang masamang pangitain. Patuloy pang mamamayani ang bawal na droga sa bansang ito sapagkat sa halip na ang nagtutulak ang pagtuunan ng pansin, ang isyu ng “suhulan” ang kanilang kinakalkal.
At habang nagtatalu-talo ang mga awtoridad sa isyu ng “suhulan” patuloy naman ang mga drug traffickers sa kanilang masamang gawain. Habang abala sa paghalukay kung sino ang nagsasabi ng totoo sa isyung suhulan, mabilis ang pagkilos ng sindikato para maikalat pa ang kanilang droga. Ngayon, number one na ang Pilipinas sa Asya sa pinakamaraming umaabuso sa illegal na droga. Sa isang report, marami nang mga estudyante sa public high school ang lulong sa droga. Ang ganitong nakakatakot na report ang dahilan kung bakit ang Department of Education ay iginigiit na gawin na ang drug testing sa mga high school students. Ayon kay DepEd secretary Jesli Lapus, hindi labag sa batas ang drug testing sa mga estudyante.
Si President Arroyo na ang anti-drug czar. Sana, magampanan niya ito bago maging huli ang lahat. Silipin din niya ang kanyang mga nasasakupan, na hindi ang “tulakan” ang tinatrabaho kundi ang isyu ng “suhulan”.
- Latest
- Trending