Hindi mailabas ang Napolcom exam dahil merong anomalya
HILUNG-HILO na sa paghihintay ng National Police Commission (Napolcom) exam ang libu-libong kapulisan na nagnanais ma-promote sa ranggo ganundin ang mga nag-aambisyong magpulis pero hindi pa rin lumabas ang resulta. Ayon sa balitang natanggap ko, nagkaroon umano ng anomalya sa isa sa mga rehiyon ang naturang exam kaya hanggang ngayon ay hindi ito maipalabas ng Napolcom. Kawawa naman ang kapulisan sa pagkaantala ng resulta ng exam. Matitingga ang kanilang promotion.
Nag-ugat umano ang pagka-antala ng resulta matapos sumingaw na nagkaroon ng pangingikil sa naturang rehiyon para makapasa sa exam. Kailangan umanong maglagay ng P5,000 ang bawat pulis na kumuha ng exam upang makatiyak na pasado. Ano ba yan Chairman Ronaldo Puno sir, pakiimbestigahan ang sumbong na ito ng mga kapulisan.
Paano makatitiyak ang sambayanan na magiging epektibo ang mga mapo-promote na opisyal ng kapulisan kung nababayaran ang kanilang pagsusulit? Kaya pala may ilang opisyales ng PNP na inutil sa kanilang serbisyo e nakapasa lang pala dahil sa kinang at dulas ng atik.
Habang tumatagal ang pag-release ng resulta ng exam, naniniwala tuloy ako na may katotohanan nga ang sumbong. Mantakin nyo, dapat noon pag Oktubre 28, 2008 lumabas ang resulta ng exam subalit hanggang ngayon, tahimik pa rin ang Napolcom sa isyu. Parang nakikita ko na may gugulong na namang ulo rito kapag nakarating kay President Arroyo ang pangingikil ng ilang opisyal ng Napolcom. Baka ideklara na naman ni GMA ang kanyang sarili na pinuno ng Napolcom para lamang malinis kagaya ng pag-appoint niyang drug czar.
Kung magulo ang isipan ng kapulisan sa pagkaantala ng resulta ng exam, nagugulo naman ang mga kasapi ng Napolcom Employees Association (NAPEMA) dahil sa patu-loy na pamamayagpag ni Anna Lissa Bautista sa puwesto.
Ayon sa mga nakausap ko, tapos na ang termino ni Bautista dahil co-terminus lamang ang status nito sa naturang ahensya subalit patuloy pa rin sa kanyang puwesto bilang Executive Assistance IV. Calling-calling Vice Chairman Eduardo Escueta Sir, pakiaksyunan mo ang reklamong ito sa madaling panahon at baka maging butas sa puwesto mo.
Siguro sobra ang lakas ni Bautista sa mga director ng naturang ahensya kaya kapit-tuko sa puwesto kahit paso na ang kontrata. Ang masakit pa umano, sa halip na pagreretiruhin si Bautista noong January 15, 2009 napipinto pang mai-promote sa Public Information Officer (PIO) chief! Sobra ang buwenas ni Bautista kung totoo ang balita.
Lumalabas na matindi ang kalibre ni Bautista kayat naipag papatuloy ang kanyang serbisyo sa ahensya. Siguro, marami lang talaga ang naiinggit sa suwerteng dumating sa buhay ni Bautista kaya kinaiinggitan. Get n’yo mga suki kong inggitero sa Napolcom?
Wala kayong magagawa kahit na bawal pa ito sa circular ng Civil Service Commission (CSC) kung malakas ang kanyang padrino este magaling sa kanyang trabaho. Sorry na lang kayong mga inggitero sa magandang oportunidad na tinatamasa ni Bautista.
- Latest
- Trending