Bro. Eddie, Among Ed sasabak sa 2010?
THERE is now a growing clamor for righteous governance sa ating bansa. Nalaman ko mula sa isang mapananaligang source na binubuo na ng partidong Bangon Pilipinas ang tambalan nina Bishop Eddie Villanueva (for President) at Pampanga Governor Ed Panlilio (Vice President) para sa nalalapit na 2010 presidential polls. Isa siyang kilalang Pastor na ang advocacy ay ang pagkakaroon ng maka-Diyos na lipunan.
Bilang isa sa mga convenor ng Media Pillar, madalas kaming magkapalitang-kuro ng Pastor na ito na siyang nagsisilbi naming tagapamahayag ng mensahe ng Diyos sa aming mga pagtitipon.
On a level playing field, kitang-kita ang pagwawagi ng tandem na ito. Bakit? Napurga na nang husto ang taumbayan sa talamak na katiwalian at pangungurakot sa gobyerno. They might just give this tandem a try, at bakit ang hindi?
Sasabihin ng marami “Huh, imposible iyan.” Ows, imposible? Sino ang magsasabing magiging gobernador ang isang Pari sa Pampanga. Isang paring kilala lang siguro sa kanyang parokya pero hindi sa buong Pampanga na ang kinalaban ay mga kilalang kingpin ng lalawigan. Ma-impluwensya at mapera ang sinagupa ni Among Ed. Pero dahil Diyos na ang nakialam, walang sa-lapi, kapangyarihan at karahasan na nakahadlang sa pagwawagi ni Among Ed Panlilio na ngayo’y gobernador na.
Minsan nang tumakbo si Bro. Eddie at isa ako sa masugid na sumuporta sa kanya. Talo sa unang hirit pero naniniwala akong napakarami niyang boto na natamo. Masyadong vocal si Bro. Eddie sa pagbatikos sa katiwaliang nangyayari sa pamahalaan. Pero ang tugon ng Malacañang sa pamamagitan ni Spokesman Jess Dureza, walang monopolyo si Bro. Eddie na bumatikos sa katiwalian dahil kahit si Presidente Arroyo ay kumokondena rin sa ganyang kabuktutan.
Ang pahayag ni Dureza ay kinuwestiyon ni Bro. Eddie sa gitna ng malinaw at lumalala pang talamak na katiwaliang namamayani ngayon sa ilalim ng pamahalaang Arroyo.
Sagot ni Bro Eddie “Ang pamantayan at pruweba ng katotohanan sa mga sinasabi, ginagawa, o di ginagawa ay makikita sa bunga ng mga ito. Lantad sa sambayanang Pilipino kung talaga nga bang seryoso si GMA sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan. Malinaw na hanggang ngayon ay tila may busal pa rin sa bibig sina GARCI, JOC-JOC, NERI, atbp., dahilan upang mahadlangan ang sana’y makabuluhan at makatotohanang imbestigasyon tulad ng Senate hearings. Kaya kung tutuusin ay isang pagbabalatkayo lamang itong sinasabi ni Dureza na nais din ng pagbabago ng gobyernong ito.”
- Latest
- Trending