Makulit na apo

Babae kong apo’y makulit sa lahat

Sa pitong apo kong sa bahay ay hiyas;

Ang apo kong ito’y maraming palabas

Siya’y kumakanta -– malakas umiyak!

Siya’y bunsong anak ng anak kong bunso

Siya ay morena kuha sa kulay ko;

Tatlong taon pa lang nag-aaral ito

Kaya sa eskwela ay hatid at sundo!

Kapag walang sumpong siya ay masaya

Daldal na nang daldal pasayaw-sayaw pa;

Ang kanyanmg favorite si Hannah Montana

Kaya sa pagkimbot mahusay talaga!

Subali’t kung minsan siya ay masungit

Si Lolo at Lola ay kinakagalit;

Kanyang kuya’t ate ay di makalapit

Sa mama lang niya siya’y nagbabait!

May mga sandaling kami’y nag-uusap

At sa aking kwarto ay kalat nang kalat;

Sa inaasal n’ya ako’y nagagalak

Lalo’t walang sumpong kami’y nagsusulat!

Paborito niya na aming gagawin

Magkulay sa libro at saka mag-drawing:

Rectangle, triangle paboritong gawin

At saka serene na si Aquamarine!

Sa kanyang pagdating mula sa eskwela:

“Di ako nag-cry!” sasabihin niya;

Sa ganitong siste ako’y nagtatawa

Kaya ang ganti ko “Magmu-mall kita!

At saka kung ako’y pupunta sa bayan

Kanyang pasalubong di nalilimutan;

Strawberry Donut at Chowking Yang Chow

Naku kay gana po’t mabigat ang timbang!

Kung kayo’y may apo na katulad niya

Hahaba ang buhay kahi’t matanda na;

Sa gulang ko ngayo’t ng aking asawa

Siya ay ligayang walang pangalawa!

Show comments