EDITORYAL - Tugisin ang Sayyaf
ANG military na ang nagsabi na kakaunti na lamang ang bilang ng mga teroristang Abu Sayyaf. Mula sa bilang na 1,500 noong 1990’s bumaba na raw sa mahigit 100 ang mga miyembro. Marami na sa lider ng Sayyaf ang napatay at kabilang dito sina Abu Sabaya, Radulan Sahiron, Kumander Robot at iba pa. Subalit sa kabila na wala nang lider, patuloy pa ring sakit ng ulo ng pamahalaan ang mga terorista. Ang pangingidnap nila sa mga inosenteng sibilyan ay patuloy pa rin. Nasaan ang sinasabi ng military na “pilay” na ang mga walang kaluluwang grupo? Hindi kaya napapabayaan kaya nakapagbuong muli ng grupo.
Matatag pa ang Sayyaf at patunay ang kanilang ginawang pagkidnap sa tatlong workers ng International Red Cross sa Jolo, Sulu noong Martes. Ang mga kinidnap ay kinabibilangan ng isang Swiss national na nakilalang si Andreas Notter, Italian na si Eugenio Vagni at Pinay na si Jean Lacaba. Nagtungo sa Patikul ang tatlo para magsagawa ng relief at medical mission nang kidnapin sa lugar na malapit sa provincial jail. Tapos nang mag-medical mission ang tatlo sa jail at papalayo na nang biglang harangin ng mga nakamotorsiklong kalalakihan na pawang sandatahan ang kanilang service vehicle. Kinumander ang kanilang sasakyan at dinala sa Talipao. Pinalaya ang drayber at dalawa pang Pinoy volunteer workers. Ang mga ito ang nagreport sa pagkidnap sa tatlo.
Ang pangingidnap ay hanapbuhay na ng Abu Sayyaf. Wala silang pakialam sa buhay ng kapwa. Ipatutubos nila ang mga kinidnap, katulad ng kanilang ginawa sa nakaraan. Noon, maraming turista ang kanilang kinidnap sa Dos Palmas resort sa Palawan at pinatubos nila ng milyong dollar. Isang Amerikanong bihag ang kanilang pinatay. Sila rin ang pumatay sa isang paring Katoliko na binunutan pa ng mga kuko. Dalawang guro ang kanilang pinugutan ng ulo sa Basilan. Isang babaing bihag ang kanilang pinatay matapos tapyasan ng suso. Ganyan kasama ang Abu Sayyaf.
Ngayo’y meron na naman silang nabiktima. Dapat kumilos ang military para mailigtas ang tatlo. Hindi naman sana maulit ang pangyayari kung saan ay ni-rescue nila ang Amerikanong si Martin Burnham na ikinamatay nito.
Tugisin ang Abu Sayyaf!
- Latest
- Trending