Inutil ang PNP na mapigilan ang mga 'trigger happy'
KULANG ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) sa mga “trigger happy” dahil sa lumobo ang mga nabiktima sa nakaraang New Year celebrations. Inutil pa rin ang kapulisan para mapigilan ang makakati ang kamay sa gatilyo tuwing sasapit ang Bagong Taon.
Umabot na sa 37 ang biktima ng mga tinamaan ng bala at kasalukuyang nakaratay sa ospital. Subalit maging ang PNP ay blanko sa mga naturang insidente kaya mababaon na lamang ito sa limot.
Ngunit ang mga biktima ay habambuhay na nilang tataglayin ang bakas na dulot ng mga nagpaputok ng baril. Alam kaya ng mga sira-ulong gun owner ang nagawa nilang perwisyo sa kanilang kapwa? Marahil hindi! Dahil kung alam ng mga ito ay hindi nila gagawin dahil alam naman nila na ang bala ay walang sinisino kapag pinaputok sa ere. At dahil nga sa kayabangan na nakasana-yan na nilang magpaputok ng baril tuwing Bagong Taon mga inosente ang napipirwisyo.
Ang masakit pa, walang malakas ang loob na umamin sa kanilang kalokohan. Ganyan kalupit ang mga iresponsableng gun owner, malalakas ang kanilang loob magpaputok subalit takot umako ng responsibilidad. Habang patuloy silang nagtatago, makaaasa pa rin tayo sa hinaharap na mangyayari uli ito at banta sa buhay. Inutil ang PNP na tugisin ang mga ito.
Ngayon palang mga suki, magmatyag na sa kapaligiran. Manmanan kung sinu-sino ang mga may baril sa ating paligid upang madali nating maituro ang mga ito. Dahil kung aantayin na kumilos ang PNP tiyak na ubos na ang ating lahi bago nila mahuli.
Katulad na lamang sa pagtangis ni Aling Lea Medina ng Bacoor, Cavite sa kanyang anak na si Melody, 6, na tinamaan sa ulo ng ligaw na bala noong bisperas ng New Year. Hindi akalain ni Aling Lea na mapapahamak ang kanyang anak matapos pag bawalan ang buong pamilya sa paggamit ng paputok at lusis na lamang ang gamitin para masaya ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ngunit sa kasagsagan ng selebrasyon, bigla na lamang bumagsak si Melody sa sahig. Buong akala ni Aling Lea, nadapa lamang ang kanyang anak, ngunit nang makitang dumudugo ang ulo ng anak ay agad niyang dinala sa Las Piñas General Hospital at ginamot. Umuwi rin sila matapos na gamutin subalit napansin niya na patuloy pa rin sa pagdurugo ang sugat at nagdidiliryo na ang kanyang anak kaya itinakbo nila sa PGH.
Natuklasan na may nakabaon na bala sa bungo ni Melody. Sa ngayon, naisusumpa ni Aling Lea ang may kagagawan nito at nananawagan sa lahat ng kapitbahay na matulungan silang matunton ang salarin. Kumakatok siya sa PNP para mapigilan ang pagdami ng mga “trigger happy”.
Sa PNP, gumawa kayo ng hakbang para matunton ang mga nagpaputok ng baril noong Bagong Taon. Simulan na ninyo at huwag nang mangako!
- Latest
- Trending