Di na tayo natuto!
WALA pa mang Bagong Taon ay medyo nakakaalarma na ang bilang ng mga naputukan ng rebentador at tinamaan ng mga ligaw na bala.
Kahit sabihin pang bumababa ang bilang ng mga casualties ng paputok, mas masisiyahan ang tao kung ito ay babagsak sa zero level. Sana nga pero may kasabihang “old habits are hard to break” at ang rebentador ay daan-daang taon nang kasama natin sa selebrasyon ng Bagong Taon.
Ayon sa Department of Health, ngayon pa lang ay may naitala na silang dalawang kaso ng tinamaan ng ligaw na bala at 64 na iba pa na naputukan ng rebentador. Kasama sa mga nahagip ng ligaw na bala ang isang 60-anyos na babae na nabagsakan ng bala sa tuhod habang prenteng-prenteng nagpapahinga sa kanyang tahanan. Buti na lang at sa tuhod lang. Paano kung sa ulo eh di, good-bye?
Samantala, yung mga naputukan ng rebentador ay naitala mula Disyembre 22 hanggang 27. Siguro nga’y hindi ganap na masasawata ang mga pagpapaputok ng malalakas na rebentador at pagkalabit sa gatilyo ng mga baril pero sana naman ay matuto na tayo sa mga pangyayari sa mga nakalipas na taon.
Tradisyon ito na namana natin sa mga Chinese. Kapag nagpapaputok daw ng malalakas na rebentador kapag New Year ay itinataboy daw ang kamalasan. Grabe naman. Paano naging pantaboy ng malas? Kung ikaw ang naputukan at naputulan ng kamay kundi man tuluyang namatay? Sabihin pa, imbes na magtaboy ay nag-aanyaya iyan ng malas.
Hindi rebentador, baril at nakakakutulig na ingay ang magtataboy ng kamalasan kundi ang ating mga panalangin sa Panginoong Diyos kakambal ng sariling paggawa para umasenso ang ating buhay.
At doon naman sa mga trigger happy, hindi ba kayo nakokonsensya kapag may nabalitaan kayong tinamaan ng ligaw na bala at namatay? For all you know, galing sa baril ninyo ang balang iyan.
O siya, sana’y maging mapayapa at mabiyaya ang pagpasok ng Bagong Taon sa ating buhay.
- Latest
- Trending