Pasko: Isang pagninilay
PASKO, Pasko, Pasko na namang muli…
Sa labingwalong taon ko nang inilalagi sa mundo ay ganito palagi ang konotasyon sa Pasko — masaya, makulay, at masagana. Masaya sa mga kumakanta ng mga himno’t awiting pampasko. Makulay sa mga bahay na may nakasabit na mga parol at Christmas lights. Masagana sa mga nakatatanggap ng bonus at regalo at sa mga may handa sa hapag-kainan.
Pero para sa kanila lang ba ang okasyong ito?
Paano na ang mga maysakit—mga bulag, pipi, at bingi, at mga iginupo ng karamdaman — masaya ba ang Pasko nila? Kumakanta rin ba sila ng mga himno’t awiting pampasko tulad ng karamihan sa atin?
Paano na ang mga taong walang tahanan — mga taong-grasa at mga ulila — makulay ba ang Pasko nila? Wala nga silang sasabitan ng parol at Christmas lights — ultimo kulay ng kanilang mga damit ay libagin.
Paano na ang mga mahihirap — yaong walang trabaho at walang pagkain — masagana ba ang Pasko nila? Hindi na nga sila makatikim man lang ng masarap na pagkain, pulos utang pa ang kinasasadlakan nila!
Kawawa pala ang kalagayan ng ating bansa kung gayon!
Hindi ko sinasabing magbigayan tayo kapag Pasko. Aaminin ko, ni hindi nga ako nag-aabot ng barya sa mga batang lansangan kapag humihingi sila — sapagkat kapos din ako.
Eh, ano ang dapat nating gawin?
Ibinigay ni Jesus ang Kanyang buhay upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Ginawa Niya ito upang baguhin ang ating mga sarili — mula sa pagiging makasalanan ay nilinis Niya tayo. Marahil, iyon ang susi — ang panatilihin ang kalinisang iyon at tuluyang magbago. Masyadong ideyalistiko, subalit iyon ang paraang nakikita ko. Simulan sa sarili at maging mabuting halimbawa sa iba…Doon mag-uugat ang tunay na diwa ng Paskong ating inaasam-asam.
At ang pagbabagong iyon ay magandang simulain para sa darating na Bagong Taon.
* * *
(Si Roldan ay kumukuha ng Bachelor of Arts in Political Science sa University of the Philippines—Diliman.)
- Latest
- Trending