CONGRATS sa batambatang National Press Club President Benny Antiporda. Sa intercession na ginawa ng NPC, napalaya na ang brodkaster sa Davao City na nakulong nang sampahan ng kasong libelo ni Congressman (now House Speaker) Prospero Nograles ilang taon na ang nakararaan.
Ang tinutukoy natin ay si Alex Adonis, ang brodkaster na nagpakalat ng isyung “burlesk king” na nagdadawit kay Nograles sa isang eskandalo sa babae. Dating komentarista ng Bombo Radyo si Adonis. Of course, may karapatan si Nograles na magdemanda bilang pagtatanggol sa kanyang karangalan.
Ngunit mayroon nang patakaran ngayon ang Korte Suprema sa pangunguna ni Chief Justice Reynato Puno na hindi na dapat ikalaboso ang isang media practitioners na dawit sa kasong libelo bilang pagkilala sa kalayaan ng pamamahayag. At iyan mismo ang ipinaglaban ng NPC para sa agarang pagpapalaya kay Adonis. Si NPC Prexy Antiporda mismo ang nagbitbit ng release order sa Davao para lumaya si Adonis at makapiling ang kanyang pamilya.
Magandang pamasko ito kay Adonis at sa kanyang buong pamilya.Wika nga, kaunti man ang biyayang pagsasaluhan, ang pinaka-importanteng bagay ay ang pagsasama-sama ng mga magpapamilya sa ganitong importanteng okasyon.
Pero may isa pang problema ngayon si Adonis. Jobless siya at ang isang Christmas wish niya ay nakabalik sa puwesto niya bilang brodkaster. Sana naman ay pagbigyan siya ng Bombo Radyo. Afterall, talaga namang hard-hitting ang mga mamamahayag ng naturang himpilan. Walang kinatatakutan sa pagbatikos sa gawaing mali. At sa gan yang mga paglalantad hindi nawawala ang risk na masampahan ng ka song libelo. Kung minsan nga ay tinotodas pa.
Kung minsan, may mga pang-aabuso rin ang media practitioners sa kanilang mga reportage. Pero may kasabihan na mas mabuti na ang “abusadong media” kaysa media na sinisikil ang kalayaang maghayag.
Maligayang Pasko po sa lahat!