TALAMAK ang katiwalian sa mga sangay ng gobyerno at alam ito ng Office of the Ombudsman. Suba lit tila mapurol ang ngipin ng Ombudsman (o walang ngipin) para lubusang maputol ang pamamayani ng mga magnanakaw sa pamahalaan. Tila ang inaasahan ng mamamayan na maraming kawatan ang masusugba sa kulungan ay isa na lamang panaginip sa kasalukuyan. Maraming batikos na natitikman ang Office of the Ombudsman hinggil sa kahinaan nang paglupig sa mga gumagawa ng katiwalian.
Pero mabilis namang magpaliwanag ang Ombudsman at sinabing marami nang kaso ng katiwalian ang kanilang nalutas. Ayon kay Ombudsman Merceditas Gutierrez, 16,000 kaso ng katiwalian na ang kanilang nalutas. Dati raw, 21,000 kaso ng graft and corruption ang naka-file sa kanilang tanggapan mula noong December 2005 na ilagay siya sa puwesto. Ayon kay Gutierrez, sobra na talaga ang katiwalian ngayon sa lahat ng level ng gobyerno at maging sa lipunan. Nararapat daw magkaisa ang lahat para malabanan ang corruption.
Tama ang Ombudsman na para malabanan ang corruption ay dapat magtulung-tulong ang lahat ng sector. Pero dapat sa kanila mag-uumpisa ang lahat para naman magkaroon ng lakas ang taumbayan na isumbong ang mga nangyayaring katiwalian. Dapat magpakita ang Office of the Ombudsman nang seryosong paglupig sa mga corrupt. Dapat ipakita ng Ombudsman na kahit mga malalaking “buwaya” ay kaya nilang lambatin. Ipakita na wala silang kinatatakutan. Kung pawang mga “butiki” ang kayang bitagin ng Ombudsman, paano magkakaroon ng lakas ng loob ang mamamayan na ibulgar ang mga magnanakaw sa gobyerno. Hindi magkakaroon ng inspirasyon ang mamamayan na tumulong kung ang Ombudsman ay may kinatatakutan at tila merong kinikilingan. Kung hindi makakaya ng Ombudsman na magpakita ng seryosong paglaban sa mga kawatan sa pamahalaan, huwag na lang ibando ang mga sinasabing nalutas na kaso ng katiwalian. Mahirap mapaniwala ang taumbayan ngayong panahon. Marami na ang namulat sa inaakto ng mga lingkod-bayan na pawang ningas-kugon lamang.
Ano ang nangyari sa kaso ni dating Justice secretary Nani Perez? Ano ang nangyari sa Mega-Pacific na kinontrata ng Comelec para sa computerization? Ano ang nangyari sa overpriced na poste ng ilaw sa Cebu? At mayroon bang ginagawa ang Ombudsman sa kaso ni dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante na ngayon ay Senado ang nagtatrabaho. Tila malamig ang Ombudsman sa kaso ni Bolante.
Umaasa ang mamamayan sa tungkulin ng Ombudsman na wakasan ang ginagawang katiwalian ng mga taong gobyerno. Hindi sana biguin ng Ombudsman ang inaasahan ng mamamayan na mabubuwag ang talamak na katiwalian.