Pagdagsa ng mga testigo
MALAYA na nga si Jocjoc Bolante. Nasa labas siya ng Senado. Pero patuloy pa rin ang imbestigasyon ukol sa “fertilizer scam” kung saan siya ang tinutukoy na arkitekto o utak ng anomalya. At ngayong nasa labas naman siya, mga ibang tao naman na may kaugnayan sa naturang scam ang naglulutangan. Isa na rito ay ang “runner” umano ni Bolante na si Maritess Aytona. At may pangyayari pa habang patungo na sana sa Senado noong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa kapatid ni Aytona, dalawang taong naka sakay sa motorsiklo ang umano’y humarang sa kanilang sasakyan at tinangkang barilin sila sa may Quezon City. Nakatakas naman daw sila at nagpatungo sa istasyon ng pulis sa La Loma, bago tumuloy ng Chinese General Hospital. Magpapakita lang daw sa Senado kung bibigyan siya ng proteksyon.
Natural, pumayag ang Senado na kinatawan ni Sen. Richard Gordon ng Senate Blue Ribbon Committee. Pero ang mahalaga ay magpakita na muna si Aytona at ma-rinig ang kanyang sasabihin.
Kung totoo nga na nangyari ang pagtangkang saktan o patayin si Maritess Aytona, masasabi na natin na palapit na ang imbestigasyon sa katotohanan. Palapit pa lang at hindi malapit na. Maliwanag na may ayaw na makarating ang testigo sa Senado. Baka ito na ang magpapakita kung gaano kasinungaling si Bolante, na dahilan kung bakit kinasuhan na ng Senado.
At habang padagdag nang padagdag ang mga testigo na pinabubulaanan ang mga pahayag ni Bolante, nawawala na sa mga isip ng mamamayan ang kawawang imahe at inosenteng larawan niya na noong una ay parang umeepekto na sa ibang tao. Baka sa susunod sa pagdinig sa Senado ukol dito, baka hawakan na naman niya ang kanyang dibdib, iinom ng tubig na tumatapon pa, kakain sa kalagitnaan ng pagdinig sa Senado dahil sa kanyang ulcer daw, at iinom ng gamot sa harap ng lahat ng tao. Pero kung magsasalita na ang mga testigo, wala nang bisa ang lahat na iyan!
Ayon mismo kay Sen. Richard Gordon, napakapurol naman ng utak ni Bolante at tila wala siyang maalalang mga importanteng bagay sa buhay niya, lalo na mga tao at pangyayaring may kaugnayan sa fertilizer scam.
Unti-unti nang pinapaalala sa kanya ang lahat na iyan sa pamamagitan ng mga bagong testigo. Sa bagay wala naman talagang naniwala sa mga pahayag niya noong magsimula na ang imbistigasyon. Ang pinagkaiba lang ngayon, may mga testigo nang pwedeng patunayan ang kanyang panlilinlang sa Senado at sa taumbayan.
Oras na lang ang binibilang para lumabas na ang katotohanan sa likod ng anomalyang ito. Pansamantalang malaya na si Bolante. Mag-isip isip na siya kung paano na niya maiiwasan ang tuluyang pagkulong, sa kabila ng lahat ng dramang ito!
- Latest
- Trending