EDITORYAL - Wala munang tulong hangga't me corruption
MATINDI ang babala ng US Millenium Challenge Corp. (MCC) sa Pilipinas: Hindi pagkakalooban ng economic assistance hangga’t hindi nadudurog ang corruption. Bago bigyan ng panibagong tulong kailangang maipakita ng gobyerno ng Pilipinas ang seryosong paglaban sa corruption na tinawag nilang “evil”. Kailangan itodo ng gobyerno ang kanilang effort sa paglaban sa corruption bago mabigyan ng tulong. Hangga’t walang nakikitang effort, walang tulong.
Tama lamang ang ganitong patakaran ng MCC sa mga bansang sagad na sagad na ang corruption pero wala namang ginagawang paraan ang gobyerno para maputol ang masamang gawain. Kung hindi maghihigpit ang MCC, patuloy lamang na na nanakawin ang kanilang ibibigay na tulong at balewala lamang ang kanilang adhikain na maiangat ang mga mahihirap na bansa na kinabibilangan ng Pilipinas. Dapat noon pa naghigpit ang MCC sa pagbibigay ng tulong sa Pilipinas para naman nagkaroon ng lakas na gumawa ng hakbang para malutas ang talamak na corruption sa bansa.
Mabuti pa ang Indonesia, Colombia, Zambia, Jordan, Malawi, Moldova at Senegal at muling napili ng MCC para bigyan ng tulong pinansiyal. Naipakita umano ng mga nabanggit na bansa ang kanilang pagsisikap na malutas ang problema nila sa corruption. Ang kanilang pagsisikap ay nakita ng MCC kaya patuloy ang pagbibigay ng tulong.
Para maging eligible ang isang bansa na mabigyan ng tulong ng MCC dapat ipamalas ang kanilang commitment sa pagpo-promote ng political at economic freedom, investments sa edukasyon at kalusugan, pagkontrol sa corruption at ang pagrespeto sa civil liberties. Kapag mababa ang performance sa mga nabanggit, hindi makatatanggap ng tulong ang bansa.
Hindi makatatanggap ng tulong ang Pilipinas sapagkat mababa ang nakuhang grado. Ayon sa report para sa Fiscal Year 2009, ang nakuhang grado para sa pagkontrol ng corruption ay 47 percent; sa kalusugan, 19 percent; at edukasyon, 32 percent. Bagsak talaga ang Pilipinas!
Corruption ang dahilan kaya walang tulong. Panahon na para kumilos ang gobyernong ito na masawata ang corruption. Kailangan na ang kamay na bakal para maputol ang garapalang nakawan sa mga tanggapan ng gobyerno. Patayin ang mga buwaya!
- Latest
- Trending