'Panlalapastangan!' (Huling bahagi)
ISANG maamong tupang abang lingkod ang nakita ng BITAG kay Department of Environment and Natural resources (DENR) Regional Executive Director Regidor De Leon nang dumating ito sa Bgy. Bolitok, Sta. Cruz Zambales.
Kasama ang kanyang mga niño bonitong tauhan, humarap ito sa taumbayan ng Bgy. Bolitok upang pakinggan ang kanilang mga reklamo. Aminado si De Leon na nagkulang ang kanilang tanggapan dahil siya mismo, noong mga oras lang na iyon nalaman na may ganoong problemang nangyayari sa nasabing lugar.
Animo’y pulitiko itong nangangako na ipaparating raw niya kay DENR Sec. Lito Atienza ang kanilang mga karaingan, ipapatawag daw nila ang pamunuan ng DMCI upang ipaalam na sila’y nakakaperwisyo, at iba pa.
Subalit ang hinahanap ng BITAG at ng mamamayan ay ang kopya ng Environmental Compliance Certificate (ECC) na ibinigay ng DENR Region 3 mula sa tanggapan ng En-vironment Management Bureau ay hindi nila naipakita.
Ang ECC kasi ang nagbigay otoridad sa DMCI na patagin at tibagin ang bundok ng Bgy. Bolitok.
Sisilipin daw nila ito at iimbestigahan kung paanong hindi ito nalaman ng lokal na pamahalaan at ng barangay mismo.
Ang tanong hanggang kailan naman kaya ito? Hindi kaya maubos na ang bundok ng Bgy. Bolitok ay napako na ang iyong pangako Dir. De Leon?
Nakarating sa amin na nag-painterview ka pa raw sa isang lokal na channel ng telebisyon, ang TV36 kung saan sinabi mong “in-edit” lamang ng BITAG ang ipinalabas naming segment.
Sa tinatawag na TV Production, natural na iedit ang mga videos upang mapanood ito ng mga manonood sa tamang oras lamang. Subalit ang tunay na dahilan ng problema, reklamo, pangyayari, sagutan ng dala wang panig at imbestigasyon ng BITAG ay hindi inedit lamang.
Kaya huwag mong pagtakpan ang kabulastugang ginagawa mo sa ipinapalabas namin sa BITAG dahil hindi puwedeng ini-edit lang ang reklamo ng mga biktima.
Hinahamon ko kung sino man ang nag-iimbestiga o nag-iinterbyu sa TV 36 tungkol sa kasong ito na makipag-ugnayan sa amin dahil hindi kami magdadalawang isip na bigyan kayo ng kopya ng mga raw materials ng aming segment.
At para sa’yo Dir. De Leon, hindi pa tapos ang BITAG sa’yo. Nangako ka sa harap ng aming camera na ipapakita mo ang ECC na ipinagkaloob ng inyong tanggapan sa DMCI.
Tututukan pa namin kayo sa BITAG!
- Latest
- Trending