ANG kasong ito ay tungkol sa isang parselang lupa sa Ayala, Alabang na nakarehistro sa mag-asawang Temi at Lita. Noong Oktubre 2, 1996, isinangla ng mag-asawa ang lupa sa banko upang makahiram sila ng pera. Dahil hindi nakabayad sa utang, inilit ng banko ang lupa. Binigyan pa ang mag-asawa ng isang taong palugit upang matubos ang lupa ngunit wala ring nangyari.
Nang magsampa ng petisyon sa korte ang banko para tuluyang makuha ang posesyon ng lupa, biglang umeksena si Nadia. Kinontra niya ang petisyon ng banko at nagsumite ng isang dokumento ng bentahan na may petsang Abril 22, 1998 sa pagitan nila ni Temi. Kalakip ng dokumento ng bentahan ay isang certified true copy ng unang pahina ng titulo bilang patunay na isa itong totoong kopya.
Nag-eskedyul ang korte para isalang ang oposisyong isinumite ni Nadia ngunit hindi dumating ang babae o kahit pa ang kanyang abogado. Dahil sa hindi pagsipot ni Nadia, ibinigay ng korte ang hinihinging “writ of possession” ng banko. Ayon sa korte, hindi naman totoo ang dokumento ng bentahan dahil si Temi lang ang nakapirma at walang patunay na awtorisado siya ni Lita para pirmahan ang kalahating bahagi na pagmamay-ari ng asawa.
Bago pa tuluyang maipatupad ang utos ng korte, nagsampa ng petisyon si Nadia sa CA. Ang naging desisyon ng CA ay sang-ayunan ang desisyon ng korte. Kinuwestiyon ni Nadia ang desisyon ng korte at ng CA. Alinsunod daw sa Sec. 33, Rule 39 Rules of Court, hindi maaaring ibigay ang posesyong hinihingi ng banko dahil may ibang taong may hawak ng posesyon at pagmamay-ari ng lupa taliwas sa sinasabi ng banko, tama ba si Nadia?
MALI. Sapat ang ginawang pagsusuri ng korte. Habang nililitis ang petisyon, si Nadia at ang abogado niya ang hindi sumipot. Kaya’t hindi masisisi ni Nadia ang korte at ang CA sa ginawang pag-aaral sa dokumento ng bentahan at sa pagsasabing nakapagtataka ito. Si Temi lamang ang pumirma sa dokumento at walang katibayan o paliwanag man lang kung awtorisado nga siya ni Lita na pumirma para sa kanyang parte.
Kahit din pumirma ang mag-asawa ay pareho pa rin ang magiging resulta. Ang dokumento ng bentahan ay hindi rehistrado, bagay na napakaimportante. Mahirap paniwalaan na hindi pipilitin ni Nadia ang mag-asawa na iparehistro ang bentahan ng lupa at bigyan siya ng titulo.
Mali rin na nagtiwala si Nadia kay Temi dahil lang sa certified true copy ng unang pahina ng titulo. Ang sinumang tao na may transaksiyon sa lupa ay siya ring may responsibilidad na alamin ang lahat ng mga detalye tungkol sa titulo ng lupang sangkot lalo at may kinalaman sa pagkakasangla nito. Tinanggap ni Nadia ang unang pahina ng titulo na hindi na hinahanap ang mga sumunod nitong pahina. Hindi siya nag-ingat sa pagsusuri ng titulo.
Ang posesyon ni Nadia sa lupa ay hindi rin sapat na basehan upang matigil ang korte sa pagbibigay ng “writ of possession” pabor sa AB. Isa sa kondisyon upang mapigil niya ang writ ay dapat na hawak na niya ang posesyon ng lupa bago pa man ito naisangla sa banko. Dapat din na alam ng banko na hawak ng ibang tao ang posesyon ng lupa bago nila ito ipinautang. Hindi ganito ang nangyari, sa kasong ito, nauna munang isinangla sa banko ang lupa bago ito ibinenta ng mag-asawa. Hindi rin naman napatunayan na alam ng banko na hawak ni Nadia ang posesyon ng lupa.
Hindi nagkamali ang korte at ang CA. Walang obligasyon ang banko na kilalanin ang posesyon ni Nadia sa lupa. Baliktad pa nga dahil si Nadia ang dapat na kumilala sa pagmamay-ari at karapatan ng banko na angkinin ang lupa. (Policarpio vs. Active Bank, G.R. 157125, September 19, 2008).