Dapat noon pa, JDV
MASYADONG kontra-tiyempo ang pagtestigo ni Pangasinan Rep. Joe de Venecia laban kay Presidente Arroyo kaugnay ng multi-milyong ZTE scam. Dahil diyan, inaakusahan siya ng Malacañang ng “sour-graping” na ang ibig sabihin ay nagtatatalak siya laban sa administrasyong Arroyo dahil natanggal siya sa puwesto bilang House Speaker.
Buhay na buhay na naman at namamayagpag ang walang kamatayang $329-milyong ZTE-NBN broadband deal dahil sa testimonya ni de Venecia sa Kongreso kaugnay ng pagkakasangkot ng Pangulo at ni First Gent Mike Arroyo sa anomalya.
Sana noon pa nagtatalak si de Venecia para suportahan ang paglalantad ng kanyang anak na si Joey de Venecia III sa monumental scam na ito. Sabagay, sinasabing ang pagsasabit ng kanyang anak sa first couple sa anomalya ang dahilan kung bakit tumalsik si de Venecia.
Pero kung bago pa man siya patalsikin ay nagsalita na si JDV bilang suporta sa pahayag ng anak, mas naging credible witness sana siya. Hindi natin sinasabing nagsisinungaling siya pero ang nahihinuha natin ay inilantad niya ang kanyang nalalaman dahil may sama siya ng loob sa Pangulo. Masyadong politiko kasi si JDV. Parang naghihintay ng concession sa Pangulo na hindi naman niya nakuha kaya hayan, nagtatalak na!
Ang impresyon kasi ng bayan ay nagsimula ang lahat ng ito dahil nabigo si Joey na makuha ang kontrata sa pagtatayo ng broadband project ng pamahalaan at sa halip ay nakuha ito ng Chinese firm na ZTE. Kaya ang kuwestyonable ngayon ay ang motibo ng gumagawa ng eksposey. Ibinunyag ba niya ang katiwalian dahil sa pagmamalasakit sa bayan o dahil nabigo ang kanyang prospect?
- Latest
- Trending