Matibay ang ebidensiya
KASO ito ni Torres (hindi tunay na pangalan). Isang special police lieutenant si Torres na itinalaga bilang deputy station commander sa Philippine Economic Zone sa Mactan, Cebu.
Nang maluklok sa puwesto, agad niyang ipinatawag si Caloy na presidente ng asosasyon ng mga drayber doon. Humingi siya ng P1,000 para pambayad diumano ng parking fee na hindi nireresibuhan. Sa umpisa, pumayag si Caloy para lamang mapabilis ang pagbibigay sa kanila ng mga ID na pirmado ni Torres.
Bandang huli, nang hindi na nakakabayad ang asosasyon, tinatakot na ni Torres ang mga miyembro. Isang beses, nagbigay pa siya ng sulat kay Waldo, isa sa mga drayber, na humihingi ng lechon mula sa asosasyon para sa kanyang kaarawan. Tuluyang nabuwisit ang asosasyon kaya’t itinigil na ang pagbabayad ng “tong” at hindi na rin nagbigay ng lechon. Nang muling makita ni Torres si Waldo, itinulak niya ito at pinagbantaan.
Dahil umabot na sa pisikal ang pananakot ni Torres, napilitan si Caloy, bilang presidente ng asosasyon na kumilos. Nagsampa siya ng kaso at ginamit niyang ebidensiya ang salaysay ng apat na drayber pati na rin ang kanyang salaysay at ang kay Waldo. Nang hingin ang kanyang paliwanag, itinanggi ni Torres ang mga paratang sa kanya. Mahigpit lang daw siya sa pagpapatupad ng batas ng PEZA at ng LTO kaya nagagalit sa kanya ang mga drayber na lumalabag sa regulasyon.
Sa paglilitis, lumabas na pawang katotohanan ang sinasabi ng mga drayber. Humihingi ng tong na P1,000 kada linggo si Torres at nang kanyang kaarawan ay naghanap pa ng lechon. Tinulak at tinakot din niya ang mga tumatanggi. Bilang ebidensiya, isinumite rin ang mga pinunit na ID ni Waldo at ng isa pang drayber.
Tigas na pagtanggi lang ang ginawa ni Torres. Napatunayan naman ng PEZA na talagang gumagawa ng kalokohan si Torres at nakakasama sa reputasyon ang kanyang ginawa. Tinanggal siya sa tungkulin bilang parusa. Nang umapela, pinanindigan din ng Civil Service Commission (CSC) ang pagtanggal sa kanya sa tungkulin. Tama ba ang CSC at ang PEZA?
TAMA. Ang lahat ng kalokohan ni Torres ay napatunayan ng matibay na ebidensiya. Sa mga kasong administratibo, basta may matibay na ebidensiya na makapagpapatunay sa kaso, ito hindi lamang binibigyan ng halaga kundi ginagalang din bilang pinal na desisyon ng ahensiyang may sapat na kaalaman tungkol sa ganitong mga bagay. Kapag ang kinakaharap ay magkakaibang bersiyon ng isang kaso, responsibilidad ng ahensiya ng gobyerno na pag-aralan ito at tingnan kung sino ang partidong nagsasabi ng totoo base na rin sa mga ebidensiyang kanilang isinumite.
Sa kasong ito, ang mga testigo ang makapagpapatunay sa mga ginawa ni Torres. Ang pinagsama-sama nilang testimonya ay hindi mababalewala dahil lang sa pagtanggi ni Torres.
Idagdag pa na walang masamang motibo ang mga drayber sa pagsasampa ng kaso. Hindi papayag ang nasabing mga drayber na humarap laban kay Torres maliban at talagang totoo ang kanilang mga sinasabi (Torredes vs. Villamor, G.R. 151110, September 11, 2008).
- Latest
- Trending

















