America heals itself
NATAWAG siyang Transformational. Ang kanyang pagkapanalo: Inspirational, poetic, historic, phenomenal. Ang pagsampa ni US President-elect Barack Obama sa entablado ng mundo ay may napakalaking impluwensya sa kinabukasan. Subalit para mauunawaan ang kabuluhan nito’y kailangang balikan ang nakaraan.
Saksi ang mundo sa tindi ng diskriminasyong tiniis nang maraming henerasyon ng African-American. Dama ng bansa ang lalim ng kahihiyan ng mantsang ito sa kanilang kasaysayan. Ang panalo ni Obama ay tagumpay din ng buong bansa. Ang Amerika ay naghugas ng konsensiya. Ang Amerika ay nagpatupad ng pangarap. Sayang na kung kailan sila nagkaroon ng kredibilidad manghimasok, lalo na sa larangan ng Human Rights, ay siya namang deklara ni Obama na mag-concentrate muna siya sa Amerika bago sa ibang bansa. Siguradong mas tatanggapin sana ng mundo ang “pakikialam” ng isang tunay na Global President: Lahing Africa at America, laki sa Asia, Kristiyano sa pananampalataya na may pangalang Muslim.
Mahabang selebrasyon at euphoria sa buong mundo. Huwag sana masyadong kakapit sa pag-asa dahil oras mag-umpisa na ang termino ni Obama, napakalaking reality check ang bubulaga sa mga Kano.
Binilang na ni Obama sa kanyang acceptance speech ang 1-2-3 na pamana ni Bush: (1) two wars; (2) a planet in peril; at (3) economic crisis. Gaano man kaganda ang kanyang plataporma sa kampanya, lahat ng kanyang pinangakong gawin ay kailangan pa rin ng suporta ng US Congress. Kahit hawak na niya ang mayorya sa dala- wang Kamara, hindi siya mag-iisa sa pagpasya dahil wa-lang diktadurya sa Amerika. At huwag maniwalang iyang 1-2-3 lang ang aatupagin. Baka sa araw-araw lang na pamamalakad nang pinakamalaking pamahalaan sa mundo at sa daming hindi inaasahang krisis na kailangang harapin ay umaapaw na agad ang plato ni President Obama.
Hindi rin mawawala ang oposisyon; ang mga grupong may pansariling interes na, sa kawalan ng patnubay, ay hahadlang sa kanyang mga magandang intensyon at maaring pagtangkaan pa ang kanyang pagkatao. Subalit sa pinamalas niyang kakaibang determinasyon at kalmadong pulso sa mukha ng katakut-takot na dinaanang pagsubok, buo ang paniwala ng lahat na kaya niyang pangatawanan ang pagbabagong pinangako.
Kay Pres. Barack Obama, ating pagpugay, paghanga at dasal na sana’y magpatuloy ang kanyang tagumpay.
GRADE: 100
- Latest
- Trending