EDITORYAL - Lubog na naman!
HINDI pa lubusang naiaahon lahat ang mga bangkay nang lumubog na M/V Princess of the Stars sa Sibuyan Island, Romblon, meron na namang lumubog at marami rin ang namatay. Walang sama ng panahon nang maglayag ang MB Don Dexter Cathlyn, isang interisland ferry na may 119 pasahero nang biglang abutin nang malakas na hangin sa laot. Patungong Bulan, Sorsogon ang ferry galing Dimasalang, Masbate nang abutin ng tinatawag na “subasko” o malakas na hangin na may kasamang ulan habang nasa laot. Apatnapu’t dalawang pasahero ang namatay sa trahedya at karamihan ay mga bata.
Walang sama ng panahon o mga babala na mayroong parating na bagyo kaya nakapaglayag ang ferry. Pero ang nakapagtataka, nakaalis ito kahit na maraming pasahero. Hindi nga sa sama ng panahon o bagyo lumubog ang ferry kundi sa maraming pasahero na laman nito. Sabi ng mga awtoridad, overloaded ang ferry kaya nang abutin nang malakas na hangin ay agad na lumubog. Sabi ng isang nakaligtas, sobra-sobra ang dami ng pasahero ng ferry kaya mabilis ang naging paglubog nito. Nag-ipon-ipon daw ang mga pasahero sa isang bahagi ng ferry kaya mabilis ang pagtagilid hanggang sa lumubog na. Naganap ang paglubog dakong alas-dos ng hapon. Sabi ng mga nakaligtas, napuno ng iyakan ng mga bata ang ferry habang unti-unting lumulubog pero wala raw silang magawa para iligtas ang mga ito. Sila man daw ay kailangan ding iligtas ang sarili.
Naulit na naman ang trahedya at malinaw na ang kapabayaan na naman ng coast guard ang dahilan kaya nakapaglayag ang ferry. Ang coast guard lamang ang nagbibigay ng signal para makaalis sa port ang sasakyang dagat. Ano ngayon ang masasabi ng coast guard na lumubog na ang ferry dahil overloaded?
Tiyak na magtuturuan na naman sa bagong trahedyang ito. Tiyak na magkakaroon na naman ng imbestigasyon kung sino ang dapat sisihin sa paglubog na ito. At sa dakong huli, wala rin namang mangyayari sa mga imbestigasyon. Paulit-ulit na mangyayari ang trahedya at ang mga kawawang pasahero ang iniuumang sa kamatayan.
Marami nang naganap na paglubog ng barko at ang karamihan ay malalagim kagaya ng nangyari sa M/V Dona Paz na 4,000 katao ang namatay. Subalit kahit na ipaalala pa ang mga trahedya sa dagat, wala pa ring leksiyon na makuha. Isinusubo pa rin sa ka matayan ang mga pasahero. Kailan kaya matututo?
- Latest
- Trending