'Huramentado'
ILANG BESES NA BA NATING NABALITAAN na kung sino ang pumapagitna upang maayos ang gulo, sa bandang huli siya pa ang napagbabalingan ng galit at napapahamak.
October 7, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Helen Bahala kasama ang kanyang hipag na si Grace Bahala mula pa sa malayong lugar ng Dinalupihan, Bataan.
Dalamhati ang baon nila dahil sa nangyari sa kanilang kapamilya na si Noli M. Bahala, 32 taong gulang, asawa ni Helen.
August 17, 2008 ala syete ng umaga ng puntahan sila ng isang Anggol Anoche upang imbitahin sa birthday niya at may konting handa at inuman.
Alas siete y media ng umaga ng pumunta si Helen kasama ang kanyang asawa na si Ronaldo (nakatatandang kapatid ni Noli) at si Noli.
Umuwi sila bandang alas tres ng hapon. Nadaanan nila na nag-aaway si John Napao at ang asawa nitong si Jennifer.
Lumapit itong si Noli at sinabing “Wag kayong mag-away”. Ikinainis ito ni John at sumagot ng “Matapang ka? Lumapit ka dito!”.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Grace (nakababatang kapatid ni Noli) na narinig niyang nagsasagutan ang kanyang Kuya Noli at kapitbahay na si John.
Dahil naalarma siya pumunta kaagad siya sa lugar kung saan sila nagsasagutan. Nakita niyang hawak ni Jennifer ang dulo ng damit ng kanyang asawa habang may hawak itong mga matatalas na bagay.
Kahit anong pigil ng asawa, nakapiglas itong si John at nakawala sa asawa, sinugod umano niya si Noli. Nang makita ito ni Grace sumigaw ito ng “huwag, ‘wag mong saktan ang kuya ko…” para matauhan itong si John at matigil ang gulo.
“Sa halip na huminto si John ay patuloy niyang sinugod ang kuya ko at walang awa nitong initak. Nakita ko na sinalag ni kuya gamit lamang ang kanyang braso,” ayon kay Grace.
Nasugatan ang braso ni Noli at natumba. Hindi pa nasiyahan dito si John. Kinubabaw umano nito si Noli at initak sa ulo sa gitna ng pagmamakaawa ni Noli at sigaw ng mga tao sa kanyang paligid na-shock sa mga nakikita nila. Walang nagawa sinuman dahil parang isang ulol na huramentado itong si John.
“Maraming beses niyang initak si Kuya Noli sa ulo pero hindi pa rin siya naawa dito at sinaksak niya ito sa likod bagama’t nakahandusay na ito at hindi na gumagalaw.” Ayon sa salaysay ni Grace.
Sabi naman ni Helen na nung tuluyan ng hindi gumagalaw si Noli, gamit ang kanyang itak may sinungkit na laman si John mula sa loob ng ulo nito at sinabing “Yes! napatay ko si Noli”.
Dagdag pa ni Helen na marami ang naging tama ni Noli sa kanyang katawan. Biyak ang kanyang ulo, sa ilong, natabas ang kanyang labi at mga taga sa kanyang braso, kamay at saksak sa likod.
Agad napatay si Noli na ang tanging kasalanan ay may nakitang nag-aaway na mag-asawa at sinubukan nitong payapain.
Ibinurol si Noli sa bahay ng kanyang mga magulang subalit hindi na ito pinatagal dahil umaalingasaw na ang bangkay nito kaya’t inilibing agad ito sa Tipo, Bataan nung August 21, 2008.
Bago ito napatay nung August 2, 2008 ng magsabi si Noli kay Helen na gusto niyang isumbong si John at Ifugao sa barangay dahil nagpuputol sila ng kahoy kahit alam nilang iligal.
Dating kasamahan ni Noli si John at Ifugao sa pamumutol ng kahoy sa gubat. Nagkaroon ng samaan ng loob dahil hindi ibinigay ang ipinangakong parte ni Noli na P300,00, sa halip P200,00 lang ang ibinigay sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit mainit ang dugo ni John umano kay Noli.
August 10, 2008 ng isinumbong ni Helen sa barangay ang iligal na pamumutol ng kahoy ni John at Ifugao. Agad naman ininspeksyon ng mga tauhan ng barangay ang bahay ni John ngunit walang silang nakitang mga kahoy dun.
Dito na nagsimulang magkaroon ng matinding alitan si Noli at John.
“Nung ika 40 days ni Noli may nakapagsabi sa amin na may nakakita kay John na paikut-ikot lang sa aming barangay. Sobra ang takot namin dahil baka kami naman ang balikan niya,” kwento ni Helen.
Nakipag-ugnayan kami sa imbestigador ng kaso ni Noli na si PO2 Dennis Abad upang malaman ang I.S. number ng kaso upang makapag-follow-up sa Prosecutors Office ng Bataan.
Akin namang ikinagulat kung bakit “Homicide” lamang ang isinampang kaso nitong imbestigador na ito? Sa ganitong brutal na krimen makikita ang “Cruelty” isang elementong makikita agad. Nandyan din ang “superior strength” kasi may mga armas itong si John at hindi maipagtatanggol ang kanyang sarili.
Sa ngayon nasa kamay na ng investigating prosecutor kung itataas niya ang kaso sa Murder sa isasampa sa hukuman ang “information”.
“Sana mahuli na si John para mapanagutan niya ang ginawa niyang pagpatay sa Kuya Noli ko. Wala siyang awa. Ginawa niyang parang hayop ang Kuya ko. Wala na ngang buhay pinagtataga niya pa. Walang kasalanan ang kuya ko at inaawat lang niya ang away nilang mag-asawa,” pahayag ni Grace. (KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero ay 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5TH floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending