EDITORYAL - Delikadesa sa PNP officials ay wala na
MALAKING kasiraan sa Philippine National Police (PNP) ang 105,000 euros na nakita kay retired general Eliseo dela Paz at kanyang asawa habang nasa Moscow airport. Hanggang ngayon hindi pa malaman kung saan nanggaling ang pondo at hindi rin naman malaman kung para saan ang perang ito na ang katumbas ay P6.9 million.
Una nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa pamumuno ni Sen. Miriam Defensor-Santiago at nilatigo ang mga opisyal ng PNP pati ang DILG. Ipinaaaresto ni Santiago si Dela Paz. Saka lamang kumilos si PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa at nirekomenda ang pagsasampa ng kaso kina Dela Paz at tatlo pang opisyal na kinabibilangan nina Chief Supt. Orlando Pestano, head ng PNP finance; Senior Supt. Tomas Rentoy, budget division chief at Supt. Samuel Rodriguez, disbursing officer. Sabi ni Verzosa, nilabag ni Dela Paz at tatlong opisyal ang rules sa pag-release ng pera mula sa intelligence fund. Gagawin daw ng PNP ang lahat ng paraan para maging mabilis ang imbestigayon. Kakalapin daw lahat ang ebidensiya.
Bukod sa Senado at PNP, gumagalaw na rin ang Office of the Ombudsman para imbestigahan ang kontrobersiyal na “euro cops”. Kahit na raw pinasasampahan ng PNP ang mga sariling opisyal, ang Ombudsman ay hindi titigil sa pag-iimbestiga hanggang malutas ang kontrobersiyal na pera.
Nakalilito na ang pahayag ng PNP kung para saan talaga ang maraming pera na dala ni Dela Paz. Una ay contingency fund daw. Pero nang tanungin si Dela Paz, cash advance raw ito. Nang tanungin si Verzosa, intelligence fund daw. Ano ba ang totoo rito?
Dati nang may dungis ang PNP at ngayon ay lalo pang dumumi dahil sa “euro”. Tila mahirap nang makabawi ang PNP sa panibagong kontrobersiya na kanilang kinasasangkutan. Habang paiba-iba ng deklarasyon ang mga opisyal ng PNP lalo lamang nalulubog sa kumunoy. Mahirap nang makaahon.
At nakapagtatakang wala nang makitang delikadesa sa mga opisyal ng PNP. Kahit na kabi-kabila ang akusasyon dahil sa perang inilabas, wala sa kanila ang kusang magbitiw sa puwesto o kaya ay mag-leave of absence man lang habang isinasagawa ang imbestigasyon. Pakapalan na lang ng mukha. Bahala na kung ano ang mangyari. Kakahiya!
- Latest
- Trending