^

PSN Opinyon

Kompanya ang dapat magbayad

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

Kaso ito ni Claro. Siya ang presidente ng CBLTC bus company. Bumili ang kompanya ng mga gulong ng sasakyan sa APTI, isang supplier. Binayaran ni Claro ang APTI gamit ang personal niyang tseke (bilang 58832) na may halagang P151,200 ay para sa kabayaran ng 24 ng gulong at may petsang Dis­yembre 15, 2000. Ang pangalawang tseke (bilang 059049) ay sa halagang P97,500 at may petsang Oktubre 30, 2000 ay tseke naman ng kompanya.  

Nang ideposito sa banko, tumalbog ang mga tseke dahil sa kakulangan ng pondo. Kinasuhan si Claro sa Municipal Trial Court (MTC) dahil sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22.

Matapos makapagpakita ng ebidensiya ang prose­kusyon, nag­ sumite ng mosyon si Claro upang isantabi ng korte ang kaso. Pinawalang-sala si Claro ng MTC dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Ngunit ipinag-utos ng korte na bayaran ng CBLTC sa pamamagitan ni Claro ang halagang P248,700 — ang halaga ng dalawang tseke, pati interes na 12 percent mula pagsasampa ng kaso hanggang tuluyang mabayaran. Ipinag-utos din ng korte na bayaran ng CBLTC ang lahat ng nagastos ng APTI sa paglilitis.

Nang umapela sa RTC, ang naging desisyon ay si Claro mismo ang magbayad sa halaga ng dalawang tseke pati ang lahat ng nagastos sa pagsasampa ng kaso. Ang CA ay panig din sa desisyong ito ng korte.

Ayaw tanggapin ni Claro ang naging desisyon ng korte at ng CA. Ayon sa kanya, nagkamali ang CA nang kampihan nito ang korte at ipag-utos na siya ang mag­bayad sa lahat. Isa lang naman daw siyang opisyal ng kompanya at hindi siya ang dapat magbayad sa mga tseke. Tama ba si Claro?

TAMA. Nagkamali ang CA nang pumanig ito sa RTC at ipag-utos na si Claro lang ang dapat magbayad sa halaga ng tseke kahit pinawalang-sala siya sa aspetong kriminal. Dapat bayaran ang halaga ng mga gulong ngunit CBLTC ang dapat na magbayad nito. Hiwalay ang katauhan ng mga kompanya sa mga taong nagmamay-ari nito. Sa ating batas, hindi dapat na personal na bayaran ng mga kasosyo at mga pinuno ng kompanya ang mga obligasyon ng huli. Ang tanging pagkakataon na maaaring habulin sila ay kung ginagamit ang kompanya sa pangloloko at pandaraya.

Sa kasong ito, ang CBLTC ang dapat magbayad para sa mga gulong na binili sa APTI. Walang kasunduan sa pagitan ni Claro at ng APTI na aakuin ni Claro ang mga obligasyon ng CBLTC. Malinaw na hindi siya dapat pagbayarin para sa hala­gang P248,700 na talagang obligasyon naman ng kompanya.

Hindi rin siya dapat managot sa personal na tseke niya. Hindi maituturing na ginarantiyahan ni Claro ang utang ng CBLTC. Dapat munang patunayan ang sumusunod: 1) malinaw na may partisipasyon siya sa utang, 2) wala siyang tinanggap na pera ngunit malinaw na inako niya ang obligasyon ng kompanya, 3) may pinirmahan siyang dokumento bilang patunay na gina­garantiyahan niya ang obligasyon ng kompanya.

Ang unang dalawang kondisyon ay nasunod ngunit wala ang pangatlo. Ang lahat ng ebidensiya ay nagpapatunay na pinirmahan ni Claro ang tseke para lamang makuha ng CBLTC ang 24 na gulong na binibili mula sa APTI.

Walang ebidensiya na magpapatunay na sinadya ni Claro na ipagamit sa kompanya ang kanyang pangalan upang garantiyahan ang obligasyon sa APTI kaya’t ang dapat gawin ng APTI ay magsampa ng kaukulang kaso upang mabawi ang halagang sangkot. (Bautista vs. Auto Plus Traders Inc. et. Al., G.R. 166405, August 6, 2008).    

vuukle comment

APTI

AUTO PLUS TRADERS INC

BATAS PAMBANSA BLG

CBLTC

CLARO

DAPAT

KOMPANYA

TSEKE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with