EDITORYAL - Higpitan ng MMDA ang bus drivers
MARAMING suggestion kung paano mapatitino ang mga walang disiplinang bus drivers sa EDSA. Kabilang sa suggestions ay ang paghihigpit sa pagbibigay ng lisensiya sa mga ito at ang pagsasailalim sa neuropsychological examination. Payo rin ang pagsasailalim sa mahigpit na drug tests sa mga drivers ng pampublikong sasakyan.
Ang mga suhestiyong ito ay lumutang makaraang banggain ng isang rumaragasang bus ang Mercedes Benz ng isang eye doctor na naging dahilan ng kamatayan nito. Bukod sa doctor apat pang katao ang malubhang nasugatan sa karumal-dumal na aksidente.
Ang biktima ay si Dr. Francisco Sarabia, 52. Tumatakbo sa EDSA ang sasakyan ni Sarabia nang biglang mabangga ng Joanna Jesh Bus na minamaneho ni Martinito Madrid. Sa lakas ng pagkabangga ay nagpaikut-ikot ang kotse ng doctor hanggang sa bumangga sa isa pang bus at saka nasunog. Hindi halos makilala ang katawan ng doctor. Ayon sa report, nakikipagkarera ang Joanna Jesh Bus sa isa pang bus at sa bilis ng takbo (mahigit 100 kph) ay nabangga ang Chedeng.
Katanggap-tanggap naman ang mga suhestiyon na higpitan ang pagbibigay ng lisensiya sa mga bus drivers at isailalim sa mga mahihigpit na examination. Puwede ang mga ito pero may mas epektibo pang magagawa para ganap na masuweto kundi man ay mapalayas sa kalsada ng EDSA ang mga walang disiplinang driver. Ang paghihigpit ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga bus driver ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang mga malalagim na aksidente kagaya ng nangyari sa doctor.
Kung ipinatupad lamang ng MMDA nang lubusan ang paghihigpit sa mga bus driver sa EDSA siguro ay hindi nangyari ang aksidente. Aminin ng MMDA na nagkulang sila sa pagsubaybay sa mga walang disiplinang bus drivers. Hindi nila ganap na namomonitor ang mga kaskaserong bus lalo na sa gabi. Hindi naman nakapagtataka kung hindi nila masubaybayan ang mga ito sapagkat mayroong ibang pinagkakaabalahan at iyan ay ang “mangotong”.
Todong paghihigpit at bangis ang makapipigil sa mga walang disiplinang bus drivers para hindi makapatay ng motorista sa EDSA.
- Latest
- Trending