LABAG sa Konstitusyon ang pagbibigay ng Malacañang ng teritoryo sa mga separatistang Moro, anang Korte Suprema. Walong justices ang nagbasura sa Memo of Agreement-Ancestral Domain na muntik nang pirmahan ng Malacañang at Moro Islamic Liberation Front nu’ng Agosto 5. Pati ang pitong minoryang justices ay nagsabi ring unconstitutional ang MOA-AD. ‘Yun nga lang, bumoto sila na huwag na nila ito ibasura dahil Malacañang na mismo ang naunang nagsabing hindi na ito pipirmahan. Nililigtas-katawan sana nila si Gloria Arroyo, na alam ng lahat ay inaprubahan ang MOA-AD pero nagmaang-maangan nang nalantad ito at nagalit ang mamamayan.
Hindi na nag-motion for reconsideration ang Malacañang. Baka kasi lumaki pa ang sunog. Sinabi na lang ni Executive Sec. Ed Ermita na kesyo magsilbing leksiyon ang pasya ng Korte sa Malacañang peace negotiators. Kesyo dapat daw sa susunod ay tumalima sa utos ng Presidente, imbis na subukang pumirma nang walang pahintulot. Nanglilinlang lang siya na animo’y pipirma sana sina chief negotiator Rodolfo Garcia at presidential peace adviser Hermogenes Esperon, pawang mga dating heneral, na hindi alam ni Arroyo. Halatang nambobola lang si Ermita dahil mabilis niyang idinagdag na tiwala pa rin si Arroyo kay Esperon miski insubordinate.
Bakit ba pilit pinalalabas ng Malacañang na walang kamuwang-muwang si Arroyo sa mga maling ikinilos ng peace panel? Simple ang sagot. Lumampas na ang Oktubre 10. Araw ito ng paglipas ng isang taon muli nang ipagharap ng impeachment case si Arroyo nu’ng 2007. Ayon sa Konstitusyon, isang impeachment case lang ang puwedeng isampa laban sa impeachable officials kada taon. Samakatuwid, puwede na muli kasuhan si Arroyo sa House of Reps. At ang pinaka-malakas sanang kasong pang-impeach kay Arroyo ay culpable violation of the Constitution dahil sa MOA-AD. Ayon mismo ito sa kapartidong Rep. Matias Defensor, chairman ng House committee on justice. Alam nilang hindi totoong nalusutan si Arroyo ng peace panelists’ control freak siya sa Malacañang.