'Buto ni lola'

ANG PAGKAKAROON NG ISANG driver’s license ay isang pribilehiyo. Sa pagmamaneho ng isang behikulo dapat tayong maging maingat sa lahat ng sandali. Ang sasakyan sa kamay ng iresponsableng drayber ay maaring maka­matay o magdulot ng malaking pinsala sa iba.

September 5, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Leona Villablanca. Pagpasok sa loob ng kwarto kita mo agad ang hirap niyang maglakad gamit ang isang “steel walker”.

Si Leona ay 71 taong gulang. May siyam na anak. Kasama niya ang kanyang anak na si Theresa.

“Tulungan niyo po akong mahuli ang driver na sumagasa sa akin. Malaki ang naging pinsala ko at gusto kong panagutan niya ang naging kalagayan ko ngayon,” pakiusap ni Leona.

August 16, 2006 bandang alas ocho y media ng umaga ng utusan siya ng anak na si Floriana Tolentino na nakatira sa Balut, Tondo na mamalengke sa Pretil Market. May gustong ipabili sa kanya dahil naglilihi ito.

Tapos na siyang mamili at naghihintay ng jeep. May nakita siyang nakaparada kaya tiningnan niya kung anong biyahe nito.

Iba pala ang patutunguhan kaya hindi siya sumakay. Pumunta siya sa bandang likuran ng jeep at duon naghintay ng iba.

“Nagulat ako ng may umatras sa likod ko. Pagtingin ko jeep pala. Napakabilis ng mga pangyayari. Hindi na ako nakagalaw at napasalubsob na lang ako. Naramdaman kong nadaanan ng gulong ang paa ko,” kwento ni Leona.

Ayon kay Leona bumaba ang drayber na nakilalang si Alberto David Arabey 47 taong gulang. Tinutulungan siya at pilit na pinapabangon. Dinala ni Alberto si Leona sa Tondo General Hospital sa Abad Santos.

Pagdating dun ay sira ang X-ray ng nasabing ospital kaya sinabihan sila ng nurse na kailangan ilipat si Leona sa Jose Reyes Hospital.

Sa halip na dalhin sa Jose Reyes Hospital ay dinala siya sa Tondo General Hospital sa Balut, Tondo at iniwan na lang ng ganun na lamang.

Alas tres na ng hapon dumating ang dalawang anak ni Leona sa ospital.

“Hindi kaagad ako nilapatan ng gamot kahit namamaga na ang paa ko dahil wala akong pera. Dinala ako ng mga anak ko sa Philippine Orthopedic Center,” sabi ni Leona.

Pagdating dun ay inex-ray siya at ang sinabi ng doktor na kailangan isemento ang paa niya.

Dahil sa kakulangan sa pera ay kinabukasan pinuntahan ng anak niyang si Evangeline Canlas ang drayber na si Alberto.

Ayon kay Leona ay sinabi ni Alberto na huwag silang mag-alala dahil may insurance naman ang jeep at aasikasuhin na nila ito. Ikalap na lang daw ang lahat ng resibo ng mga nagastos at babayaran daw nila pagnakuha na yung insurance.

Pagtanggal ng semento sa paa ni Leona ay sabi ni Dr. Rachel Agsalda ng Philippine Orthopedic Center na kailangan operahan at lagyan ng bakal ang paa niya.

Kinailangan nila makabuo ng P33,000 para sa operasyon na ito. Nangutang si Evangeline at nag-ambag-ambag ang kan­yang mga anak.

September 11, 2006 ng maoperahan siya at nakalabas nung September 21, 2006.

“Hindi man lang nagpakita si Alberto at ang operator ng jeep para magbigay ng tulong. Puro pangako lang ang ginawa nila. Napakalaking perwisyo ang ginawa nila lalo na sa mga anak ko,” kwento ni Leona.

Pagkalabas niya ng ospital ay napagpasyahan niya na magsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries laban kay Alberto.

February 27, 2008 ng lumabas ang Warrant of Arrest ni Alberto na nilagdaan ni Judge Marlina M. Manuel ng Metropolitan Trial Court, Branch VIII, Manila.

“Sana po tulungan niyo po ako na mapahuli si Alberto. Hanggang ngayon ay hirap na hirap ako sa kalagayan ko dahil sa nangyaring aksidente. Naging pabigat ako sa mga anak ko kaya pati sila hirap na hirap sa pag-aalaga sa akin,” panawagan ni Leona.     

PARA sa anumang impormasyon sa ikadadakip nitong si Alberto David Arabey pakibigay alam lang sa aming mga numero.

Ikaw Alberto may karma ka rin. Dinurog mo ang buto ni lola, pati buto mo susunugin sa impierno! 

SA MGA GUSTONG dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.  

SA PUNTONG ITO nais kong ulitin ang magandang balita sa mga kababayan natin na meron mga problema sa pagkolekta ng utang “Collection of Sum of Money” NA MGA KASO NA HINDI HIHIGIT sa Isang Daang Libong Piso (P100,000).

Nagtatag si Chief Justice Reynato Puno ng Korte Suprema ng “Small Claims Court” para sa loob ng isang araw (tama isang araw) didinggin ang inyong kaso at bago matapos ang araw dala ninyo na ang desisyon ng korte. Merong mga “Pilot Courts” na inatasan upang dinggin ang mga kasong ito. Hindi na kailangan ng abogado at wala ng matagal na hearing dahil ang huwes ay magdedesisyon agad kung may basehan ang inyong hinihingi.

Magpunta kayo sa aming tanggapan at gagabayan naming kayo sa pag-aayos at pagpunta kung saang korte maari ninyo ilapit ito.

Ipinaliwanag ni Judge Filomena Singh ng RTC QC at Atty Alice Vidal ang programang ito ng ating Korte Suprema upang maging mabilis ang pagresolba ng inyong suliranin sa pagkolekta ng utang sa inyo.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments