IPINAUUBAYA ko ngayon ang espasyo ng ating kolum upang ilahad ang reklamo sa atin ng mga Registered Mechanical Engineers (RME). Ito’y kaugnay sa anila’y hindi makatuwirang paniningil ng P2,100 ng Philippine Society of Mechanical Engineers (PSME) para makapag-renew ng lisensiya sa Professional Regulation Commission (PRC). Sa pagtatanong-tanong ng mga apektadong engineers, nabatid nila na ang nagpapataw ng ganitong singil ay ang Manila chapter lang ng PSME.
Kaya ang tanong nila: Kung ang ibang sangay ng PSME ay walang ganyang rekisitos, ano ang layunin ng Manila chapter sa paniningil nito?
Ang P2,100 daw na ito ay para makakuha ng “Certificate of Good Standing” bilang PSME member. Kailangang bayaran ang halagang ito sa tanggapan ng PSME sa Don Lorenzo Bldg., P. Paredes, Sampaloc, Manila na walking distance mula sa tanggapan ng PRC.
Kapag nabayaran na ito, bibigyan ng papel na katunayan na nagbayad na ang nagpapa-renew ng lisensiya ng P2,100. Ito ngayon ang ipakikita sa PRC. Pero kailangang magbayad pa ng P600 ang magpapa-renew ng lisensiya para sa PRC license renewal fee na siyang normal na procedure.
Sa kabuuan ay P2,700 ang kailangang bayaran para makapag-renew ng lisensiya. Pagkalipas ng tatlong taon, tataas pa ang babayarang ito para makapag-renew ulit ng lisensiya bilang Mechanical Engineer.
Ang pagbabayad ng P2,100 ay sinimulang pinatupad ngayong taong ito nang walang anumang pasabi sa mga taong apektado nito kaya naman maraming Mechanical Engineers na nagpa-renew ng lisensiya ang nagulat sa bagong patakaran na ito ng PSME. Marami rin sa kanila ang hindi nagpa-renew ng lisen siya dahil dito. Katwi -ran nila, hindi nila alam kung saan gagamitin ng PSME ang malilikom na P2,100 sa bawat miyembro ng kanilang samahan na umaabot din ng kung ilang libo.
Wala naman daw kasing mga proyekto ang samahang ito para sa kapakinabangan ng mga miyebro.
May mga kaso pa nga na life-time member ng PSME pero nakansela ang member ship. Bakit? Para magbayad din ng P2,100?
Sana’y aksyonan ng mga kinauukulan ang reklamong ito ng ating mga mechanical engineers.