EDITORYAL - Mga naaksayang pondo ng DepEd
KAPAG umpisa ng school year, kadalasan nang lumulutang na problema sa Department of Education (DepEd) ay ang kakulangan ng classrooms at mga libro. Dahil sa kakulangan ng classroom, pati mga comfort room ay kino-konvert ng silid-aralan. Kapag wala nang magawang paraan, ang ilalim ng punongkahoy ang takbuhan ng mga mag-aaral. Dahil sa kakulangan ng libro, naghihiraman na lamang ang mga mag-aaral. Kahit na lumang-luma na at halos mapigtas ang mga pahina, pinag-aari pa. Walang magagawa sapagkat kulang ang pondo.
Kulang ang pondo?
Pero kung kulang sa pondo, bakit maraming nasayang na proyekto ang DepEd? Ayon sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) tinatayang P667.95 million ang nasayang sa DepEd makaraang bilhin ang information technology equipment, kabilang ang mga computer na pawang depektibo. Ang ibang computers ay ipinadala nga sa mga public schools subalit wala namang mga teacher na magtuturo sapagkat walang kaalaman sa computer. May mga schools na walang airconditioned laboratories para paglagyan ng mga equipment. Paano magkakaroon ng airconditioned lab e wala namang kuryente sa lugar. Ang mga equipment ayon sa COA ay nabili dahil sa congressional pork barrel allocations.
Napag-alaman pa ng COA na sa Southern Tagalog, nasayang lamang ang P300 milyon na ibinili ng video insruction materials noong nakaraang taon. Depektibo umano ang equipment na nabili.
At sa kabila ng mga pag-aaksayang ito, mayroon pang gustong simulang proyekto ang DepEd na gagastos ng bilyong piso. Ito ay ang CyberEducation program na maaaring magsasayang uli ng pondo. Paano mapapagtagumpayan ang proyektong katulad ng CyberEd program gayung marami pang barangay sa bansa ang walang kuryente. Tila nananaginip ang DepEd sa pagsusulong ng CyberEd program dahil wala pa ngang kuryente sa mga barangay.
Kapag natuloy ang CyberEd, tiyak na maibibilang na naman ang proyekto sa ginastusan ng gobyerno pero hindi napakinabangan.
Habang maraming estudyante ang salat na salat sa classroom, libro at wala ring guro, ang mga proyektong walang kaseguruhan pa rin ang isinusulong ng DepEd. Dapat na itong matigil.
- Latest
- Trending