Pinoy seamen: Mga 'bayani ng karagatan'
ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nagpahayag ng mataas na pagkilala sa mga Pinoy seamen bilang mga “bayani ng karagatan.”
Partikular na pinahalagahan ni Jinggoy ang pagre-report ng mga Pinoy seamen hinggil sa ginagawa ng kanilang pinagtatrabahuhang barko na pagtatapon ng sludge (maruming langis at tubig) sa dagat.
Kamakailan, binigyan ng parangal at pabuya ng US ang 12 Pinoy seamen na nagsumbong at tumestigo tungkol sa pagtatapon ng sludge ng kanilang barko habang bumibiyahe sa karagatan ng US. Ang mga Pinoy ay tripulante ng mga barkong M/V Windsor Castle at M/T Clipper Trojan.
Dahil sa pagtestigo ng mga Pinoy, ang mga may-ari at operator ng mga barko ay umamin na ginawa nga nila ang krimen. Pinagmulta sila ng Texas federal court at New Jersey federal court. Inihayag ng US embassy na ang bawat isa sa mga Pinoy seamen ay tatanggap ng mula $25,000 hanggang $175,000.
Ayon kay Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, karapat-dapat sa Pinoy seamen na kilalanin dahil sa kanilang dedikasyon sa trabaho, pagsunod sa batas at pagmamahal sa kalikasan.
Una rito, pinapurihan din ni Jinggoy si Domingo Silva, third engineer ng barkong MSC Trinidad ng Mediterranean Shipping Company, na isinumbong din ang pagtatapon ng 30 tonelada ng sludge ng kanyang pinagtatrabahuhang barko sa Atlantic Ocean.
Dahil din sa pagsusumbong ni Silva ay nakasuhan ang MSC ng paglabag sa “anti-pollution law.”
Binigyang-diin ni Jinggoy na ang ginawa ng Pinoy seamen ay konkretong katibayan ng kanilang pagiging mga bayani ng karagatan. Aniya, bukod sa ibinigay na papuri at pabuya ng mga dayuhang pamahalaan sa mga Pinoy, dapat ding magbigay ng pagpaparangal sa kanila ang pamahalaan.
- Latest
- Trending