^

PSN Opinyon

'Kapag siningil ka ng langit' (Ikalawang bahagi) (Kinalap ni Gail de Guzman)

- Tony Calvento -

NUNG LUNES NAISULAT ko ang masalimuot na kaso ng mga pagpatay na nagsimula sa umano’y pansa-salvage sa tatlong kalalakihan. Ang kanilang mga bangkay ay natagpuan sa gilid ng fly-over ng Katipunan, Quezon City at kinilalang sina Raffy Alondres, Leonito Bajen Jr., at Joel Adique ay mga sampaguita vendors nung ika-9 ng Agosto 2007.

May lumutang na testigo sa katauhan ni Melencio “Omeng” Agoelo, 28 taong gulang at nakatira sa Sitio Tanglaw, Antipolo City.

 Sa salaysay na ibinigay ni Omeng nakapagsampa ang mga kaanak ng mga biktima ng kaso sa Prosecutor’s Office ng Quezon City ng Multiple Murder (3 counts) laban sa mga pulis ng Station 8 sa pangunguna ng kanilang hepe na si SUPT. JOSE GARCIA at sina, PO1 VICTOR SONGALIA, PO2 JURGENE PEDROSO, SPO1 GIL BULAN, PO3 DOMINIC CHAN, SPO3 BONIFACIO RIOFLORIDO, PO2 SHERWIN TOLENTINO AT PO2 ELMOR ALAY-AY.

Malapit ng lumabas ang resolusyon sa kaso ng biglang nangyari ang pinangangambahan ni Omeng.

Pinatay si Omeng nung umaga ng Setyembre 13, 2008 sa Masinag Junction, Brgy. Mayamot Antipolo City.

Sa aming panayam sa asawa ni Omeng na si Roselyn Bongo sa aming daily program “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ipinagtapat nito ang ilang bagay-bagay.

“Nung nabubuhay pa ang asawa ko lagi niyang sinasabi sa akin na kung may mangyayari raw na hindi maganda sa kanya wala siyang ibang sisisihin kundi ang mga pulis Quezon City, ayon kay Roselyn.

May mga nakasaksi ng pagbaril at pagpatay kay Omeng. Siya ay si Michael Rana, isang “barker” na taga Antipolo City.

Ayon sa kanya na habang siya ay nagtatawag ng pasahero nakarinig siya ng isang putok. Inakala niya na may sumabog na gulong ng sasakyan kaya agad niyang inalam kung saan ito nanggaling.

“Nakita ko ang isang lalaki na may hawak-hawak na baril at nakatutok ito sa isa pang lalaki na nakahiga sa kalsada. Pinaputukan niya ito ng dalawang beses at tinamaan ito sa dibdib,” kwento ni Michael.

Sinubukang tumakas ng lalaking namaril kaya tumakbo siya sa direksyon papuntang Marikina at nakita niyang hinabol ito ng mga pulis.

Sa ibinigay namang Affidavit of Arrest nila PO2 Jennifer Belarmino, PO1 Elvis Mariquina, PO1 Jeffrey Mateo at PO1 Ricardo Oficial ng PCP1, Mayamot, Antipolo City pinuntahan daw sila ng isang lalake at sinabing may binaril sa Masinag. Patay ang biktima at ang suspek naman ay nakatakas.

Agad silang pumunta sa lugar na pinangyarihan ng krimen at dun naabutan nila ang lalakeng pumatay kay Omeng. Nakita nila na tumatakbo ito habang may hawak na baril. Sinundan nila ang lalake kahit saan ito magpunta hanggang sa pumasok ito sa isang bahay sa may Sumulong Highway.

“Sinundan ko siya hanggang sa loob ng bahay. Maliit lang ito kaya hindi ako nahirapan na mahuli siya. Nakita ko na binitiwan niya ang kanyang baril kaya dinampot ko ito. Agad ko siyang pinosasan sa pangamba na maaaring makapalag ito at makatakas,” pahayag ni PO2 Belarmino.

PINATOTOO NAMAN ITO ng may-ari ng bahay na si Anne Rochelle Cascante, 20 taong gulang. Nuong umaga 9:30 nung Sept. 13, 2008 nakita niya ang lalake sa loob ng kanyang bahay.

Kasalukuyang umanong nagpapahinga si Anne sa kwarto ng bigla niyang narinig na may sumipa sa kanilang pintuan sa sala. Lumabas siya para tingnan kung sino ang pumasok at dun nakita niya ang isang ‘di kilalang lalake na may hawak na baril.

“Natakot ako sa nakita ko. Agad akong tumakbo papunta sa terrace namin,” kwento ni Anne.

Nakita ni Anne na pumasok sa kanyang bahay ang mga pulis at paglabas ng mga ito nahuli na nila ang lalake at dinala ito sa presinto.

Inakala ni Anne na tapos na ang kanyang pangamba ngunit ng pumasok siya sa loob ng kanilang bahay napansin niya na nawawala ang kanyang APPLE IPOD na nagkakahalaga ng 13,000 pesos.

Malakas ang pakiramdam niya na ninakaw ito sa loob ng kanyang bahay. Kaagad siyang pumunta sa police station para i-report ang nangyari at dun naabutan niya ang lalakeng pumasok sa kanyang bahay.

“Namukhaan ko siya at sinabi ko sa mga pulis na hinala ko siya ang kumuha ng IPOD ko. Kinapkapan siya ng mga ito at nakuha sa kanya yung IPOD at isang Nokia 3310 na cell phone at icepick,” ayon kay Anne.

Sa imbestigasyon ng mga pulis napag-alaman nila na ang pangalan ng lalakeng ito ay RICHARD CELESTIAL, 28 taong gulang at nakatira sa Concepcion I, Marikina City.

TINAWAGAN AKO ni Atty Harriet Demetriou para ibalita ang mga nangyari. Nakipag-uganayan ako sa mga pulis sa Antipolo City.

Meron akong nakausap dun at pinayuhan ako na puntahan ko itong nahuling gunman dahil mukhang balisa ito at handang kumanta upang magbigay ng mga detalye sa pagpatay kay Omeng.

Upang hindi naman malagyan ng “kulay”ang kasong ito minabuti kong kontakin si Julius Babao, ng TV PATROL ng Channel 2. Agad naman nagpunta sa aking tanggapan si Julius kung saan nakausap niya ang asawa ni Omeng.

Matapos nun ay pumunta si Julius sa Hall of Justice sa Antipolo City at nakapanayam itong si Richard Celestial. Kusang loob na nagbigay ng interview si Richard kung saan idinawit niya ang mga pulis na nakademanda sa kasong umanong pansa-salvage sa tatlong kasamahan ni Omeng. Nakausap rin namin ng LIVE sa aming programa sa radio kasama si Sec. Raul Gonzalez at sinabing muli nitong si Celestial ang lahat ng kanyang nalalaman.

BAKIT niya pinatay si Omeng? Sino ang nag-utos sa kanya? Ano ang mga detalye ng kanyang pagplano at pagbaril kay Omeng?

MALALAMAN ninyo ang lahat ng yan SA BIYERNES sa pagpapatuloy ng seryeng ito. EksKlusibo dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNgayon.”  

PARA SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN tumawag sa 6387285 o 6373965-70 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: [email protected]

ANTIPOLO CITY

CITY

KANYANG

NAKITA

NIYA

OMENG

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with